May ikinukubling yungib ang
Lansa ng isda at karne,
Ang samyo ng mantikilya’t pandesal,
Ang lamig ng sago at gulaman,
At ang kasariwaan ng gulay at prutas.
Sa talipapa ng Sto. Rosario
Sa likod ng mga nilalangaw na pwesto,
Sa loob ng isang maliit subalit mahabang eskinita
Isang tila bagong mundo ang iyong makikita.
Ang lugar na kung tawagi’y Kalye Buga.
Pagtapak mo sa looban
Babasain ng natutunaw na yelo ang iyong talampakan.
Sa mga susunod na hakbang,
Ang natirang bakas ng baha naman
Ang didila sa’yong sakong.
Sa unang liko, makakabangga ka ng batang nakahubo
Nakatitig sa’yo na parang nakakita ng manok na adobo.
Pagkaliwa mo, makikiraan ka sa mga nagsusunya
Ang isa ay nagpapsuso ng sanggol habang bumabalasa
Ang isa nama’y pinauusukan ang anak sa tabi niya.
Sa pagpihit mo sa kanan, baka ika’y matagayan
Ng mga barakong nagpapalakihan ng tiyan
Na matapos tumira ng bilog, didighay lang
At lapad naman ang susunggaban.
sa ilang barong- barong na iyong madaraanan
‘Wag magtaka kung may maamoy na di pangkaraniwan
Ito rin kasi ang pugad ng mapupusok na kabataan
Sa mga susunod na liko na baka di mo na mabilang
Babagtasin mo abg daigdig ng mga di kilalang nilalang.
Marami ang magtatapon ng matatalim na tingin
May maririnig ka rin na di kaaya- ayang pasaring.
Maiisip mo rin na magdasal sa lahat ng santo
Dahil di ka sigurado kung makakalabas ka pa ng buhay dito
Pinangingilagan ng mga tao ang eskiniang ito
Walang nais pumasok, walang nagmamatapang na sumubok.
Pero nakaligtaan na marahil ng marami
Na tulad nila, mga tao rin ang doon ay nakapirmi
Mga taong hindi nakaalpas sa kuko ng kahirapan
Mga kabaryong mas piniling masadlak sa madilim na looban
Mga magulang at supling na nagnanais
Makapitas ng mabungang kinabukasan.
Sa yungib na ikinukubli ng talipapa
Namamahay ang mga pangarap na
Mananatili na lamang pangarap
Hindi dahil sa walang ibubuga ang Kalye Buga
Kundi dahil hindi pa napupurga
Ang matakaw na sikmurang
Noon pa natin isinusuka.