Tuluyan akong nalulong sa bisyo ng pagtula. Hindi ko namalayan, natambakan nap ala ng mga likha ko ang likod na pahina ng aking mga kwaderno at mga scratch papers na nakaipit sa mga libro. Iba ang hatid na langit ng pagpapadaloy ng isip at damdamin gamit ang mga taludturan. Sa tuwing inilalapat ko ang labi ng panulat sa papel, nakakadama ako ng paglaya mula sa pagkabagabag, mga agam- agam, at pag- abot ng orgasmo sa may hatid na ngiti at kiliti. Ngunit naisip ko na ako lamang ng ako ang nakararating sa langit na binubuo ko. Napagtanto ko na pawing pansariling luwalhati ang nakakamtan ko sa pagsusulat ng mga tula.
Sa ikalawang taon ko sa kolehiyo, sumali ako sa isang organisasyon na malayong- malayo sa kursong kinukuha ko ngunit malapit na malapit naman sa puso ko, ang Haribon UPLB. Isa itong grupo ng mga iskolar ng bayan at para sa bayan na kumukilos upang pangalagaan at protektahan ang kapaligiran at mga likas- yaman; isang siyentipikong organisasyon na pinangahasang pasukin ng isang tulad ko na nagmula sa linya ng sining. Noong nagsimula ako bilang miyembro, hindi ko alam kung sa paanong paraan ako makapagsisilbi bukod sa pagpupulot ng basura, pagtatanim ng puno, at pagtuturo ng kaalamang- pangkalikasan. Mahirap makalangoy sa alon ng mga kapwa estudyante na nagtatampisaw sa ilog ng agham. Muntik na akong malunod pero naisip ko na sa grupong ito, mas matimbang ang pinanghahawakang prinsipyo at hindi ang karunungang taglay ng mga tao. Noon ko naisip na gamitin ang kung anong mayroon ako— panulat at papel.
Sa puntong iyon nagkaroon ng biglang liko ang bolpen ko. Ang mga salita, tugma, at talinhaga na parang wala namang kahalagahan at pinatutunguhan ay nagkaroon ng layunin at tunguhin. Sa pamamagitan ng mga tula, pinagsalita ko ang mga puno, hayop, at insekto; dinulutan ko ng tinig ang tubig, lupa, at hangin. Minantsahan ko ng tinta ang organisasyon na lalong nagpaigting sa adbokasiya at aktibismo g grupo.
Isa sa mga katha ko na nailimbag sa Plumahe, ang opisyal na pahayagan ng Haribon UPLB, ay ang “Panambitan ng Tinta” na nagpapabatid ng mga hinaing ni Inang Kalikasan sa kanyang mga anak.
“Mga anak,
Bakit kailangang gawin ninyo sa’kin ito?
Bakit?
Ano’ng pagkukulang ko?
Hindi pa ba sapat ang mga handog ko sa inyo?
Hanggang sa ngayon ako’y gulong- gulo
Dahil hindi ko lubos maisip na nagawa ninyo ito…
Ano pa ba ang inyong gusto?
Alam kong kailangan ninyo ako
At kailangan ko rin kayo.
Pero bakit humantong tayo sa ganito?
Anak,
Napapagod din ako.
Darating ang panahon mauubos din ang kayamanang dala ko;
Bawat patak…
Bawat butil…
Bawat pag- ihip…
Bawat pagsibol.
May katapusan ang lahat ng ito.
May hangganan ang lakas na mayroon ako.
Anak,
Naiintindihan ko ang pangangailangan mo.
Pero kung hindi ka matututo,
Maaaring bukas,
Ang paraisopng ito’y tuluyan nang maglaho.
Anak, isa lang naman ang hiling ko…
Huwag mong tahakin ang landas ng pag- abuso.
Hangga’t kaya ko,
Hindi ko bibitiwan ang kamay mo.
Ang nais ko lang,
Respeto…
Nagmamahal,
Ang inyong ina.”
- Panambitan ng Tinta