Lumaki ako at nagkaisip sa piling ng mga kwento at sa paggawa ng mga ito. Dito umikot ang aking panulat at para sa akin, iyon ang tanging daigdig na didiligan ng aking pluma. Labis akong nahulog sa kagandahan ng mga kwentong- bayan, pabula, alamat, at parabola. Ang buong akala ko ay matatali ako sa pagsusulat g mga ganitong katha.
Nasa ika anim na baiting ako nang mapansin ko ang taglay na kariktan ng mga tula. Maraming tula na ang aking nabasa, sinaulo, at itinanghal sa mga patimpalak, pero hindi ako naakit sa mga iyon. Para sa akin, masyadong malalim ang mga tula. Tila napakahirap tahiin ng mga salita para makabuo ng isang simpleng taludturan. Hindi ko tinangkang sumulat dahil sa tingin ko ay hindi ko magagawa.
Hindi ko na maalala kung kalian ako unang tumula at kung ano ang unang tula na aking naisulat. Pero ang pinakanatanim sa isip ko ay ang tulang “Paalam” na labis na pinuri ng aming guro at pinalakpakan ng aking mga kaklase. At sa tingin ko, doon nagsimula ang paglimot ko sa mga kwento. Masyado yatang lumaki ang ulo ko. Sayang at wala rin akong maipapakitang pruweba ng kathang iyon. Sa pagkakatanda ko, ito ay tula ng pamamaalam sa elementarya— sa mga kaibiga na kasama kong yumabong at tinubuan ng isip at pakialam, sa mga guro na pumanday sa amin, at sa eskwelahan na kumandili sa mga musmos naming pangarap.
Pagtapak ko sa mataas na paaralan, mas lalo kong nakilala ang aking bagong pag- ibig. Namalas ko ang kakayahan nito na magsalaysay ng kwento, maglarawan ng mga bagay at sitwasyon, at magpahayag ng nararamdaman. Naging isang kabigha- bighaning sining sa akin ng pagtula kaya naman hinasa ko ang aking panulat sa pag- ukit ng mga sukat at tugma. Napalitan ng Filipino ang Heograpiya, Kasaysayan, at Sibika bilang paborito kong asignatura. Pinag- aralan ko ng husto ang paglikha ng mga talinhaga at paglalaro ng mga salita para sa ikagaganda ng aking mga katha.
Nang makasabay ang aking panulat sa musikang hatid ng pagtula, naging isang mabisang paraan ang pagsusulat ng tula para mailabas ko ang aking nararamdaman. Nasanay ako na sa papel ibinubuhos ang sama ng loob, kilig, pagkadismaya, pagkasurpresa, pangungulila, pangamba, at pagpuna. Ilang sanaysay din ang naisulat ko dahil sa paghulagpos ng mga emosyon na ayokong ikulong na lamang. Pero nang matagpuan ko ang tula, dito ko na ipinagtatapat at isinusumbong ang mga bagay na hindi ko kayang maisatinig.
Sa tulang “Pag- ibig: Sanhi at Bunga” na isinulat ko noong third year high school, isinatitik ko ang pagtingin ko sa pagmamahal bilang isang makapangyarihang damdamin.
“Pag- ibig ang siyang nagpapainog sa sanlibutan
Tinitibok n gating puso na siyang pinagmumulan
Ng pagkakaisa at ng ganap na kapayapaan
Na nagsisilbing binhi nitong ating kaligayahan…”
-Pag- ibig: Sanhi at Bunga
Nagamit ko rin ang tula sa isa sa pinaka hindi malilimutang yugto ng aking kabataan. Dahil sa likas akong torpe pagdating sa mga babae, dinaan ko sa mga nakalimbag na salita ang aking unang seryosong panliligaw. Noong simula ay sumulat muna ako ng love letter na hindi ko nagawang ibigay. Pero sadya yatang mapagbiro ang tadhana, inatasan kami n gaming guri sa Filipino III na gumawa ng tula para sa aming mga hinahangaan. Narito ang buong tula na aking ipinasa at binasa sa harap ng klase kung saan naroon ang aking inspirasyon.
“Sa tuwina, kariktan mo’y natatanaw
Malamyos mong tinig, sa aki’y tumutunaw
Mamasdan ka lang, buo na ang aking araw
‘Pagkat abang puso, ang sigaw ay ikaw.
Bawat pintig ng dibdib ay sa’yo laan
Ang sigla’t ngiti ko’y ikaw ang dahilan
Hiling ko, pag- ibig mo rin ay maramdaman
Maaari mo ba akong mapagbigyan?
Kung sakali mang di sa akin ialay
Pagsinta ko’y mananatiling dalisay
At ang pusong ito, sayo’y maghihintay
Pag- giliw ko kailanma’y di mamamatay.”
-Panenayan Daka (Maghihintay Sa’yo)
Sa mga pagkakataong wala akong produktibong nagagawa o kaya naman ay nilalamon ako ng katahimikan ng pag- iisa, nauuwi ako sa pagtula. Naging pampalipas oras ko ito na di naglaon ay nagsilbing pagsasanay na rin. Sa mga unang buwan ko sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños (UPLB), wala akong kasamang tumambay kundi ang aking bolpen at papel. Tuwing nababakante ako, kaulayaw ko ang dalawang ito sa likod ng layb, sa paligid ng mga gusali g Humanidades at Student Union, sa mga bakanteng silid sa Institute at Biological Sciences, at sa kwarto ko sa dormitoryo na nasa gitna ng kagubatan. Sa mga pagkakataong nalulungkot, walang makausap, nagmumuni- muni, at pilit hinahanapan ng sago tang napakaraming bakit, pinasasayaw ko ang aking bolpen. Kahit anong tugtog, ang mahalaga ay may matapos na obra. Ilang tula rin ang naging produkto ng pagkabagot, pagnanais na umuwi sa Bulacan, pagkapagod sa bangis ng akademya, at pagkamangha sa mga bagong bagay at karanasan. Isa sa mga ito ay ang tulang “KomArts” na naglalahad ng pagsabak ko sa isang mas malaking palaruan, ang UPLB.
“Kay bilis ng araw,
Hindi ko man lamang namalayan ang pagkalagas ng panahon.
Parang kalian lang,
Nangangapa ako sa bago kong mundo,
Pilit kong inaalam ang pasikot- sikot
Ang sistema ng isang di kilalang paraiso.
Tila kahapon lamang nang una kong natikamn ang kalayaan…
Nang unang beses kong iwan ang aking kinagisnan.”