III. Gumon sa Samyo ng Tinta

By pandaigdigan

Himala sigurong maituturing ang pagkahilig ko sa pagbabasa. Sa naaalala ko kasi, isa ako sa mga mag- aaral na walang ganang pumasok noon sa eskwelahan. Isinalaysay ko pa ito sa tulang “Karma”:

Habang nilalatigo ng araw ang lansangan,

Kunot noo namang naglalakad ang mga bata

pabalik sa eskwelahan;

Samantalang ako ay dumadaing sa iyo

na masakit ang aking ngipin, ulo, o kaya ay tiyan.

Sa kaunting lambing at bola

Sasabihan mo akong mahiga at lumiban

Lihim akong matutuwa at lihim rin na maiinis

Dahil wala man ako sa silid- aralan,

Bilanggo pa rin ako sa papag nating hinihigan.

- Karma

Hindi naging isang interesanteng lugar para sa akin ang Hagonoy West Central School. Ang tingin ko rito ay piitan ng mga batang tulad ko na hindi makasumpong ng kasiyahan sa piling ng mga titik at bilang. Wala sa hinagap ko na darating ang araw na magpapakagumon ako sa pagtatagni- tagni ng mga salita. Ang isang libangan ay hindi ko inasahan na magiging isang adiksyon. Kung paano humantong sa ganito, may dalawang paliwanag akong mailalatag. Una, nabighani at nabihag ako sa bato balaning rikit ng sining ng pagsulat. Naging isang napakahiwagang bagay sa akin ng pagsulat na kay sarap tuklasin. Nakalalango ang hated na amats sa tuwing bumubuo ako ng mga kwento, pinagsasalita at pinakikilos ang mga tauhan, at minamanipula ang takbo ng kanilang isip, puso, at buhay. Iba ang sipa ng tinta at papel. Tama ang paalaala sa amin ng propesor na nagturo sa akin na sumulat ng nobela:

“ Kung nagsusulat ka na, para ka na ring pumasok sa ibang mundo, sa ibang katauhan. Para kang may ibang mga buhay na isinasabuhay sa sandali ng iyong pagsusulat. Mararamdaman mo ang lahat ng nararamdaman ng iyong tauhan. Parang naasa roller coaster ang emosyon mo, kaharap ang kompyuter (o kahit papel), tumitipa sa kibord, umiiyak, tumatawa, nagagalit, naninibugho.”

Itinuring kong langit ang pagsulat dahil sa tuwing may hawak akong panulat at may kaharap na sulatan, lumalaya ako. Nagiging posible ang imposible at imposible ang posible. Sa pagsusulat, naiisip ko na ako ang diyos, ako ang may kontrol sa lahat. Ang mga bulong ay kaya kong isigaw. Ang mga lihim ay kaya kog ibunyag. Ang mga nakadamit ay kaya kong hubaran. Ang matataas sa akin ay nagagawa kong pabagsakin. Ito ang sarap na hatid ng pagkagumon sa samyo ng tinta. Sa iyo ang mundo. Iyong- iyo lang.

Ikalawa, ang pagkalulong ko sa drogang tinatawag na pluma ay maisisisi sa mga aging tagatulak nito. Hindi naman ako magiging adik kung wala ang mga nag- impluwensya sa akin na humithit at tumira.

Isa sa mga pangunahing bagay na nag- udyok sa akin na magsulat ay ang telebisyon, radio, at pinilikang tabing. Kinamulatan ko ang pamamayagpag g mga programang pambata na bubungad sa’yo pagkagising mo sa umaga. Malaki ang papel na ginampanan ng Hiraya manawari, Bayani, Wansapanataym, at Oka tokat sa apghubog at pagyaman ng aking imahinasyon. Ang mga palabas na ito ang nagpakilala sa akin sa mga hari, reyna, mandirigma, mangkukulam, aswang, higante, diwata, mga ibon at isdang nakakanta. Ang programang Pahina naman ang nagturo sa akin ng mga natatanging katha ng ating mga sikat na manunulat. Sa palabas na ito ko narinig ang “Kwento ni Mabuti”, nasaksihan ang “Paglilitis kay Mang Serapyo”, namalas ang paglipad ng “Guryon”. Labis akong sumasang- ayon titik ng kanta ng programang ito.

“Tuwing pahina’y binubuklat, nararating ko ang gubat;

Naririnig ko ang himig ng dumadaloy na batis;

Hinahagkan ako ng hangin mula sa kung saang lupain.

Pahina ako’y iyong dalhin sa magaganda at malalayong lupain

Pahina sa’kin ay ipaalam ang taos na pagmamahal

Pahina sa’kin ay iparinig ang pintig ng pusong umiibig

Pahina sa’kin ay ipadama takot at pangamba, sakit at saya.”

Hindi ko rin maikakaila na naimpluwensyahan ng mga dramang pantelibisyon ang aking pagsusulat. Kasabay kong lumaki ang mga telenobela na naghain ng mga makatotohanang mukha ng buhay na pwedeng maisatitik. Gayundin ang hatid ng mga pelikulang Pilipino na hilig kong panoorin. Lumaki akong tinitingala ang obrang hango man sa ibang bansa ang ilan ay maituturing pa rin na sariling atin. At siyempre, bilang isang musmos na manghang- mangha sa telebisyon, malaking bahagi ng aking imahinasyon ay nahulma ng mga kartuns o animé mula sa bansang Hapon. Nahumaling ako sa panonood ng kagila- gilalas na pakikipagsapalaran at pakikipaglaban sa Ghost Fighter, Flame of Recca, Fushigi Yuugi, at marami pang iba. Nang magkolehiyo ako, natuklasan ko na ang ilang parte sa kwento ng mga kartuns na ito ay hango sa mitolohiya.

Matud Nila at Kapitang Pinoy naman ang mga dulag panradyo na nakaimpluwensya sa akin. Nasubaybayan ko ang kasaysayan ng mga ito dahil sa pakikinig ng aking nanay sa oras ng siesta. Sa mga dramang ito ko naulinig ang halakhak ng tagumpay, hagulgol ng iniwan, hingal ng may tinatakbuhan, pagungulit ng batang paslit, paghingi ng saklolo ng mga nasa panganib, at pagsigaw ng superhero sa kanyang pagpapalit- anyo. Natigil lamang ang gawing ito ng masira ang aming radyo.

Ang numerong tagatulak at tagasuplay ng droga sa akin ay walang iba kundi ang mga likhang aking nabasa. Una akong nahumaling sa mga librong pampanitikan na hinihingi ko o kaya’y ibinibigay sa akin. Pagkatapos ay nauso ang mga aklat pambata ng Adarna Publishing House na inilalako sa eskwelahan. Ang mga babasahin na ito ang nagbukas sa akin ng mundo ng mga alamat at kwentong- bayan. Nasumpungan ko naman sa Liwayway Magazine ng aking lolo ang mga komiks na iba’t iba ang uri. Nasundan ko ang kwento ng “Buhay Pinoy”, “Si Piolo at Lorelei”, “Anak ng Bulkan”, at “Huling Lahi ng Aswang”. Nagbigay ang mga ito ng mas malawak na pagsipat sa mga istoryang maaari kong maisulat.

Kinahumalingan ko rin ang pagbabasa ng mga Filipino romance pocketbooks dahil na rin sa pagkahilig ng aking nanay. Kung ilang serye ng mga kwentong- pag- ibig ng isang angkan o barkadahan ang dumaan sa aking mga kamay. Ang paulit- ulit at halos pare- parehog takbo at ikot ng mga istorya ay tumimo sa aking isipan. Ilang magagandang linya at aral din aking napulot mula sa mga ito na nagamit ko na rin sa mga nagawa kong kwento.

Nang sumikat ang mga penomenal na aklat ni Bob Ong, isa ako sa mga kabataang nahulihan nito ng kiliti. Ito ang tanging koleksyon ng libro na pinaggastusan at kinumpleto ko. Labis akong natuwa sa kanyang mga likha kaya’t inuulit- ulit ko pa ang pagbasa. Hinangaan ko ang ginamit niyang paraan upang punahin ang mga sakit ng lipunan at ang mga simpleng bagay sa buhay ng mga Pilipino na malaki ang epektong naidudulot sa pagbuo ng isang nasyon. At dahil halos idolohin ko na siya, labis na nabahiran ng kanyang tinta ang tirada ng aking pagsusulat. Kay Bob Ong ko rin naman natutuhan na hindi maiiwasan ng isang bata at bagong manunulat na tulad ko ang maimpluwensyahan ng mga may- akda ng mga nabasa naming katha. Mahirap nga naman kasing tanggalin sa sistema ang araw- araw mong nilalanghap na usok, oras- oras mong sinisipsip na dugo, at minu- minuto mong niyayakap na ideya.

(NOTE: isusudlong ko pa po ang bahagi ukol sa mga pumasok na impluwensya mula nang simulan ko ang pagsulat ng thesis)

Leave a Reply