Tumuntong ako sa elementarya na kulang sa edad at kahandaan. Wala akong kaalam- alam sa pagbasa at pagsulat. Puno ng takot at pag-aalinlangan sa sarili, sumabak ako sa isang bago at mas malaking palaruan.
Hindi ko na matandaan kung paano ko hinarap at nalampasan ang mga hamon sa loob at labas ng silid- aralan. Sa pagdaan ng aking pagiging bata, nakilala ko ang ako na tamad pumasok sa paaralan, ang ako na ang tanging sais ay makipaglaro ng patintero at luksong- baka, ang ako na naglulunoy sa baha tuwing tag- ulan, ang ako na umidolo at gumaya sa mga napapanood na bayani sa telebisyon. Isang bata na hindi naiiba marami. Hanggang sa masumpungan ko ang aking sarili na may hawak na lapis, gumuguhit ng mga likhang- isip na tauhan gamit ang mga titik.Siyam na taon ako nang una kong galugarin ang mina ng mga salita upang makabuo ng sariling obra.
Nang matuto akong magbasa, kiniliti ng samu’t saring aklat ng Adarna Publishing House at mga nilalakong kwento ni Lola Basyang ang aking imahinasyon. Unti- unting nakalas ang buhol ng kahon nang malulong ako sa mga librong pampanitikan na pinaglumaan ng aking kapatid at mga pinsan. Hanggang sa tuluyang kumawala ang malikot na lipad ng aking isip at inuyukang sumayaw ang panulat ko sa indayog ng aking kamay. Noon nagsimulang magising ang musmos na kwentista sa aking kalooban.
Tinangka kong gumawa ng sarili kong mga kwento mula sa aking mga nabasa at napanood. Ang tanging laman ng utak ko ay ang makatapos ng isang orihinal na likha na maaari kong ibahagi sa aking mga kaibigan. At ang itinuturing kong panganayng aking mga naisulat ay ang “Alamat ng Bahaghari”. Binuo ko ang kwentong ito sa nilulumot naming silid- aklatan noong ako ay nasa ika- apat na baiting. Sabi ng aming guro, isasali niya iyon sa isang patimpalak. Subalit hindi ko na nalaman kung ano ang kinahinatnan ng aking unang likha. Sayang nga lamang at wala akong naitagong kopya nito na makapagpapatunay na hindi lamang kwento ang kwentong iyon.
Nagbunga naman ng maganda ang pangangahas kong magsulat. Ilan sa malalapit na kaklase at kaibigan ang nahawahan ko ng interes sa pagbuo ng mga istorya buhat sa uhugin at gusgusin naming imahinasyon. Bumuo kami ng isang grupo ng mga batang kwentista. Ginugol namin sa pagsusulat ang mga oras na para sana sa paglilibang. Mula sa mga ginupit na larawan sa Saranggola Magasin, humabi kamin ng mga kwento ng hiwaga, mahika, kababalaghan, pakikipagsapalaran, pagkakaibigan,at kung anu- ano pa. Pagkatapos ay buong pagmamalaki naming ibinabahagi sa klase an gaming mga obra. Ang bawat miyembro ng grupo at an gaming mga kaklase ang nagsilbing una naming mga mambabasa, tagapakinig, at kritiko. Mula sa mga istoryang aming naisulat, nakabuo rin kami ng isang makulay at makabuluhang kwento ng di mapapantayang samahan. Sa paggalugad naming sa mina mg mga salita, nahukay ko ang isang kayamanang mahirap matagpuan.