Parang kabute na bigla na lamang tumubo ang hindi pangkaraniwang bukol sa aking daliri. Hindi ko man lang napansin ang unti- unti nitong pagkabuo. Tulad ng lahat ng bagay, nagsimula ito sa maliit hanggang sa lumaki nang lumaki. Palibhasa ay nasa ikatlong baiting pa lang ako, hindi ko agad napuna ang pagbabagong iyon sa aking katawan. Hindi ko na rin mahalukay sa aking alaala kung paano ko nalaman na may kakaiba nap ala sa aking kamay. Kung sinuman ang unang nakakita, nakahipo, o nakatuklas nito, hindi ko na mapapasalamatan dahil hindi ko naman batid kung sino siya. Ang alam ko lang, may nagsabi sa akin na ang madiin na paraan ng pagsusulat ko raw ang dahilan kung bakit umusbong ang kalyo sa aking kanang palansinsingan.
Mahigit isang dekada na ang lumipas bago ko naisipang hanapan ng siyentipikong paliwanag ang nadagdag na parte sa aking sistema. Ayon sa nabasa ko sa internet, ang kalyo ay nabubuo dahil sa tinatawag na hyperkeratosis. Ito ay ang pagkapal at pagtigas ng balat bunga ng matinding presyur at paulit- ulit na kontak. Ang callus (sa salitang hiram) ay karaniwang matatagpuan sa mga kamay o paa. Ang pagkakaroon nito ay hindi mapanganib pero minsan ay maaaring magdulot din ng impeksyon.
Kung pagbabasehan at paniniwalaan ko ang eksplanasyong ito, ibig sabihin ay tama ang ibinigay na paliwanag sa akin noong ako’y bata. Ang madalas at madiin na pagsusulat ko na nananatili hanggang sa kasalukuyan ang siyang humulma sa bukol na kapag nakikita ng iba ay pinagkakatuwaan o di kaya’y pinandidirihan.
Ayon pa sa aking nasaliksaik, ang kalyong bunga ng malimit na pagdadaupa ng panulat at ng palasinsingan (o ng gitnang daliri sa ilan) ay tinatawag na writer’s bump. Napaisip tuloy ako na baka ang biglang paglitaw ng aking kalyo ay isa palang premonisyon sa aking hinaharap. Baka tulad ng nabanggit sa tula ni Roberto Añonuevo, sadyang may makapagsasabi ng kung anumang itinakda para sa akin.
“Malapad ang noo nang siya’y isilang.
Ang haka ng lolo: ‘Ang bata’y mahusay!’
Binasa ng nanay ang mapa ng palad.
‘Ay, rebelde ito’t hahawak ng armas.’
Tinapik ni dikong ang sakong ng sanggol.
‘Siya ang sisikad sa ating panahon.’”
- Kapalaran Ayon sa Kaanak
Hindi ko masasabi at hindi ko alam kung sino ang makapagsasabi na tama ang nabuo kong teorya. Ngunit kung magkaganoon man, lubos ang madarama kong kaligayahan. Kung ang tintang iniluluha ng aking panulat ay gumuguhit ng linya patungo sa kinabukasan ko bilang isang manunulat, malugod ko itong hahayaan. Wala akong makapang alaala ng pagnanais kong mawala ang kalyong magpapapangit sa aking daliri. Madalas ko man itong tungkabin gamit ang nail cutter o ngipin, tila hindi ko naisipang ito ay tanggalin. Marahil tinanggap ko na ang malaking kalyo bilang isang tanda ng aking pagkakakilanlan. O kaya naman ay dahil napagtanto ko na ang di pangkaraniwang bukol na mayroon ako ay kaibahan (o kaastigan sa makabagong konteksto) na maituturing na akin naming maipagyayabang. At siguro, pinanatili ko ang kalyo dahil tinitingnan ko ito bilang isang salamin ng pag- usad, pagbabago, at paghinang ng aking talento. Hindi lang papel at panulat ang kaagapay ko sa landas na pinili kong tahakin. Naging saksi ang aking kalyo sa pangangahas kong pasukin ang mundo ng pagsusulat. Naroon siya nang unang magtae ang aking panulat, nang tasahan ang aking lapis, nang muli itong mabali dahil sa diin ng pagsusuat, nang maubusan ng tinta ang kabibili ko lamang na bolpen, at nang mapilas at malukot ko halos lahat ng pahina ng aking kwaderno dahil sa di kasiya- siyang likha. Maisasalaysay ng nanigas na balat sa aking daliri ang kwento ng pagkiskis ko ng aking utak sa papel.
Isang kaibigan ang nagsabi sa akin noon na hindi raw matatanggal ang kalyo hanggat ako’y nag- aaral. Kakambal nga naman kasi ng eskwela ang pagsusulat. Pero naisip ko, marahil kahit makapagtapos na ako, magkatrabaho, magkapamilya’t magkauban, hindi na mawawala pa ang bukol sa aking palasinsingan. Mananatili na ito na parang isang singsing na sumisimbolo sa pakikipag- isang dibdib ko sa pagsusulat. Hindi na maglalaho ang kalyong ito dahil kung magkagayon, nangangahulugan lamang na binitawan ko na ang aking panulat. At sa ngayon, mukhang Malabo pang mangyari iyon.