Archive for July, 2008

balete drive revisited

July 25, 2008

Parang kabuteng biglang dumami

Ang mga kainan at bar

Sa kahabaan ng Halang.

Ang dating madilim na Balete Drive

Ay napalamutian ng makukulay

At patay- sinding mga ilaw.

Muntik ng mabulag ang limang white lady

Nang masilaw sila ng liwanag

Ng Christmas lights at disco ball.

Hidi na rin makagala sa hatinggabi

Ang mga manananggal na takot sa sikat ng araw.

Hindi naman makatulog ang mga dwende

Dahil sa walang humpay na pag- iingay

Ng videoke at live band.

Ito ang itinuturo nilang dahilan

Kung bakit hindi sila tumatangkad.

Natuwa naman ang magbabarkadang tikbalang

Sa pagdating ng mga lalaking kasalo nila

Sa langit na hatid ng usok ng tabako.

Tumaas ang kaso ng ubo sa mga tyanak

Nang dumagsa ang mga adik sa sigarilyo.

Nabuhay ang Balete Drive na dati

Ay pinamumugaran ng mga patay

At ng mga tambay na nagsisira ng buhay.

krimen sa lababo

July 25, 2008

Isinuka ng puting sako

Ang sampung malalaking tilapya

Sa kalilinis lamang na lababo.

Habol hininga pa ang ilan

Nang ilabas ang kutsilyo

Na sisentensya sa mga inosenteng isda.

 

Unang tinabas ang mga palikpik

Ewan kung guni- guni,

Ngunit tila naulinig ang impit nilang hikbi.

Matapos ay ipinahalik sa katawan ang talim,

Mariing ikinaskas sa balat

Upang matanggal ang kaliskis na itim.

Walang awang biniyak ang tiyan

Dinukot ang bituka’t laman loob

At dagling ihinagis sa pusang napadaan.

 

Tuluyang inagawan ng buhay

Ang di makapanlabang nilalang

Nang hiwain ang namumutla nitong hasang.

Hindi pa nakuntento sa ginawa

Buntot at nguso ay hiniwa

Ginilitan ng dalawang ulit ang lamang sariwa.

Walang Pagkakaibang mga Hapon

July 25, 2008

Abala ang bantay sa pananahi ng lambat

Na matagal nang nakatiwangwang

Sa inaagiw na sulok ng kubo.

 

Naghuhugas naman ng pinagkainan

Ang kanyang maybahay sa posong kinakalawang

Habang nagpupuyos ang alinsangan.

 

Samantalang ang kanilang bunso

Ay nahihimbing sa nisnis na duyan

At inuugoy ng hanging umiihip pakanluran.

 

Tahimik ang kabahayang nasusukluban ng pawid

Naiinip sa mabagal na pag- usad ng oras

Nauumay sa walang pagkakaibang mga hapon.

bilang

July 25, 2008

10,310 hektaryang lupa

 

                        53 kilometro mula sa Maynila

 

            96,418 na lalaki

            95,014 na babae

 

                                                                        191,432 sa kabuuan.

 

52,174 na kabahayan

           

                        26 na baranggay

 

                                                            212,189,857.30 ang tinatayang kita

                                                            209,353,147.90 ang tinatayang gastos

 

                        300 kawani at opisyal

                        170 casuals

                        70 contractuals

 

11 pinuno ng bayan

 

   26 na kapitan

 

       26 na lider kabataan

 

Di mabilang na problema

Sa kahirapan, kalusugan, at kaayusan

Sa kabuhayan, kalikasan, at kaalaman

Sa mga namumuno, pinamumunuan, at pamunuan.

 

                                                                                1 bayan na hindi naiiba sa di mabilang na bayan

Tuloy Po Kayo

July 25, 2008

Nilulumot na ang nagsisilbing pinto

ng kahariang sumibol sa kanluran.

Ang mga bitak na gumagapang sa bato

ay tila kulubot sa mukha tanda ng katandaan.

Kung ilang taon ng nakatayo ang arkong ito

hindi ko masasabi, hindi ko mahuhulaan.

Ngunit kung siya ay iyong pagmamasdan,

mahihinuha mong sabay silang nagkauban ng bayan.

Sa tulay na naghihiwalay sa Paombong at Hagonoy

tahimik na nakatindig ang sementadong singkaban.

Siya ang likod na yumuyukod sa pagdating ng bisita

at ang kamay na kumakaway sa paglisan nila.

Siya ang sumasalubong sa mga napapadpad na dayo

sa lupang hitik sa yama at katangi- tanging tao.

Piping saksi rin siya sa pagpapalayas

sa mga dayuhang ganid at mapangahas.

Sa paglubog at paglitaw ng kaharian, naroon siya;

sa pagbibihis ng sintang bayan, kasama siya.

Nagdaan ang ilang baha, lindol, at bagyo

nanatiling matatag at buo ang pinto.

At kung ilang salinlahi pa ang kanyang aabutan,

hindi ko masasabi, hindi ko mahuhulaan.

Lumutin man at mabitak ang arkong bato

patuloy itong magsasabing tuloy po kayo.

54, 60, 75, 72!

July 25, 2008

Ipinasa sa akin ang bulilyo.

 

Unang bola, highway 54.

Sakang, dise syete.

Kwarenta y singko, putok!

Bee Gees, sa B, diyes.

Tarantado ka, trenta y dos.

Sa O, matanda! Seventy five.

Debut ng lalaki, bente uno.

Hika… doble singko.

Supsupan! Numero katorse!

Tes- bun, sisenta sa G.

 

Puro na!

Pintahan mo na!

 

Hep, sa N… doble… mababa,

Trenta y tres.

Sa O…

64! 72! DOBLE SAIS!

Baligtaran, sixty nine.

Hep! Sa O ulit!

64! 72! DOBLE SAIS!

Sa O… Si Bentong!!!

 

BINGO!!!

54, 60, 75, 72!

 

Sisenta y singko ang kabig niya.

 

Ang buhay kung minsan

Kasing simple ng isang hapon

Sa bakuran kung saan nagbibingo

Ang mga binubuwisit ng alinsangan.

Basta may puhunan,

Baon ang kaunting diskarte

At kapirasong swerte,

Uuwi kang busog sa barya

Ang lumuluwa mong bulsa.

 

 

 

 

 

yungib na ikinukubli ng talipapa

July 25, 2008

May ikinukubling yungib ang

Lansa ng isda at karne,

Ang samyo ng mantikilya’t pandesal,

Ang lamig ng sago at gulaman,

At ang kasariwaan ng gulay at prutas.

 

Sa talipapa ng Sto. Rosario

Sa likod ng mga nilalangaw na pwesto,

Sa loob ng isang maliit subalit mahabang eskinita

Isang tila bagong mundo ang iyong makikita.

Ang lugar na kung tawagi’y Kalye Buga.

 

Pagtapak mo sa looban

Babasain ng natutunaw na yelo ang iyong talampakan.

Sa mga susunod na hakbang,

Ang natirang bakas ng baha naman

Ang didila sa’yong sakong.

 

                                                Sa unang liko, makakabangga ka ng batang nakahubo

Nakatitig sa’yo na parang nakakita ng manok na adobo.

 

Pagkaliwa mo, makikiraan ka sa mga nagsusunya

Ang isa ay nagpapsuso ng sanggol habang bumabalasa

Ang isa nama’y pinauusukan ang anak sa tabi niya.

 

Sa pagpihit mo sa kanan, baka ika’y matagayan

Ng mga barakong nagpapalakihan ng tiyan

Na matapos tumira ng bilog, didighay lang

At lapad naman ang susunggaban.

 

sa ilang barong- barong na iyong madaraanan

‘Wag magtaka kung may maamoy na di pangkaraniwan

Ito rin kasi ang pugad ng mapupusok na kabataan

 

Sa mga susunod na liko na baka di mo na mabilang

Babagtasin mo abg daigdig ng mga di kilalang nilalang.

Marami ang magtatapon ng matatalim na tingin

May maririnig ka rin na di kaaya- ayang pasaring.

Maiisip mo rin na magdasal sa lahat ng santo

Dahil di ka sigurado kung makakalabas ka pa ng buhay dito

 

Pinangingilagan ng mga tao ang eskiniang ito

Walang nais pumasok, walang nagmamatapang na sumubok.

Pero nakaligtaan na marahil ng marami

Na tulad nila, mga tao rin ang doon ay nakapirmi

Mga taong hindi nakaalpas sa kuko ng kahirapan

Mga kabaryong mas piniling masadlak sa madilim na looban

Mga magulang at supling na nagnanais

Makapitas ng mabungang kinabukasan.

 

Sa yungib na ikinukubli ng talipapa

Namamahay ang mga pangarap na

Mananatili na lamang pangarap

Hindi dahil sa walang ibubuga ang Kalye Buga

Kundi dahil hindi pa napupurga

Ang matakaw na sikmurang

Noon pa natin isinusuka.

 

 

 

 

daluyong

July 25, 2008

Hinahati ng matatalim na liwanag ang ulap

 Nang dumaong ang bangkang sinasakyan naming

  Sa kubong binabantayan ni Apo.

    Hinihimas ng ginaw ang aking murang balat

     Habang hinihintay naming ng ate na matapos

      Ang trabahong ipinunta roon ng tatay.

                       

                        Kaalinsabay ng pagdatal ng gabi

                         Mahigpit ang pagkakayapos ng dilim sa paligid

                          Pinaparamdam ang nagbabadyang pagsambulat ng poot.

                           Nang itulak ko ang tikin palayo sa pilapil

                            Biningi ako ng dagundong

                             Kasunod ang nakabubulag na guhit ng dagitab.

 

                                                Sumulong ang bangka at sumuba sa alon

                                                 Biglang tumapon ang similya ng ulap

                                                  Hinilam kami ng malagkit na likido

                                                   Habang tinatambol na an gaming mga dibdib.

                                                    Sinipat ko ang tatay sa kanyang kinauupuan

                                                     Sa kanang kamay hawak niya ang manibela

                                                      Sa kaliwa naman ay ang ilaw na nakikipagtunggali

                                                       Sa marahas na hagulgol ng langit.

 

                                                                        Pinipi na ng pangamba ang aking ate

                                                                         Ako nama’y hindi na napigil ang takot na ikinukubli

                                                                          Humalo sa malamig na ulan ang mainit kong ihi.

puntod, rebolber, at birtud

July 25, 2008

Matagal nang hinahanap ang puntod ng kapitan

Na naging lider ng komunidad

At utak ng himagsikan.

May nagsasabing sa San Isidro siya inilibing

May nagsasabi rin na ipinaanod siya sa tabsing.

Pilit din nilang ginagalugad ang nayon

Upang makuha ang rebolberr na buong giting

Niyang nakasama sa rebolusyon.

Ayon sa kwento, ang sandatang iyon ay regalo

Mula sa bunying Heneral Goyo.

Sinsabing may birtud din na hawak ang kapitan

Ito umano ang dahilan kung bakit di siya mahuli

Ng mga puting dayuhan.

Waring ang kanyang agimat ay isang tagabulag

Naroong siya’y magsabata o kaya’y magsadilag.

Hindi ito kailanman natagpuan

Kapara ng panyong lagi raw dala ng kapitan

Isang panyo na may burdang tatlong titik A

Kung ano ang ibig sabihin ay nanatiling lihim niya.

Subalit hindi man maapuhap ang katawan

At ang mga gamit ni Kapitan Manuel Garcia

Ang kanyang pinagbuhatan nama’y naglalaan

Ng pedestal na para lamang sa kanya.

At sakali mang hindi na mahanap pa

Ang puntod ni Kapitan Tuwi

Hindi kailanman mababaon sa lupa

Ang kanyang kabayaniha’t pagkadakila.

puting krus sa balikat

July 22, 2008

Marahan niyang inihalik ang tuhod sa lupa

kinuha ang benditadong rosaryo sa bulsa

tsaka siya yumuko at ipininid ang mga mata.

Miyerkules Santo noon,

malamig na ang himig ng mga nagpapasyon

tila nagluluksa na ang langit sa sasapitin ng Panginoon.

 

Pilit tinatanglawan ng nagkukubling buwan

at ng poste ng ilaw sa di kalayuan

ang patio ng simbahan.

Maraming tao ang doon ay natitipon

ngunit ang paligid ay ‘sing tahimik ng pantyon.

 

Tulad niya, may tatlo pang lalaki

na nakasuot rin ng kmiseta at pantalong puti

ang umuusal ng dasal sa isang tabi.

Samantalang ang kanyang mga kasama,

kapamilya, kaibigan, at kakilala

ay matamang naghihintay sa kanila.

 

Ilang sandali ang lumipas

dalawang lalaking gumagapang

ang dumating mula sa labas.

Sabay silang dumapa sa magaspang na sahig

sabay nilang inilatag ang kanilang braso at bisig.

Matapos ay mga hampas ng tsinelas ang naulinig.

 

Tila ibinalik siya ng ingay sa kanyang ulirat

tumayo siya at ang mga mata’y iminulat.

Hinubad niya ang kanyang sapin sa paa

tsaka ipinatong ang puting krus sa braso niya.