Archive for June, 2008

unang bugso ng mga tula

June 24, 2008

Mag- amang Artista

 

Nahihimbing pa ang mga manok

Nang maulinig ko

Ang pagtawag sa’king ama.

Manggigising ang mga katok.

Marahan siyang babangon,

Ako nama’y magkukunwaring tulog.

Kakalansing ang kutsara

Sa paghigop niya ng kape.

Lalapit ang ilang yabag,

Ididiin ko ang pagkakapikit

Hahawiin niya ang kurtina,

Sisilip.

Kung napaniwala ko siya

Na ako’y nananaginip na,

Hindi ko alam.

Bubukas ang pinto, tsaka isasara.

Hihina ang mga yabag.

Muli akong magmumulat

Dahan- dahang tatayo para uminom.

Sa paglabas,

Tila pusang mapapatda.

“Bakit gising ka pa?”

 

Titilaok ang mga manok.

 

 

Ayokong Matulog sa Tanghali

 

Sa bayan na niyayakap ng mga alon,

Ipinaghehele ng hanging amihan,

At dinadantayan ng araw sa silangan,

Pinayabong ako ng sagwan at timon.

 

Sa pilapil na inaangkin ng mga dampalit;

Sa putikan na dinadaluyan ng luha ng prinsa;

Pinagal ko ang mga paa at binting paslit.

 

Sa ilog na kadluan n gaming hininga at pangarap,

At sa mga bangkang naglulan sa gusgusing panaginip,

Nasumpungan ko ang tuwang mabibingwit

Sa isang tanghali ng hindi ko pag- idlip.

 

 

 

Pagtawid

 

Mukhang malalim ang ilog

Masyadong payapa,

Kalmado.

Nakakatakot tumalon,

Baka hindi ko maarok

Malulunod ako.

Hindi ako marunong lumangoy.

Kung pulikatin ako

Lulubog ako, sigurado.

Pero gusto kong subukan

Nais kong tumawid sa ibayo.

Baka naman kaya ko.

Kung hindi man ako umabot

Sa kabilang pampang,

May nakatali namang lubid sa’king bewang.

Madali lang akong hihilahin,

May sasagip sa’kin.

Hindi pa ako mamamatay.

Susubukan ko,

Baka sakali.

Isa

Dalawa

Tatlo.

May tumulak sa’kin.

Malalim nga ang ilog

Hindi ko maarok…

Pero ilang segundo lang

Naabot ko ang kabilang pampang.

Nagawa ko.

Nakaya ko.

Kung paano ako makakatawid ulit,

Pag- iisipan ko pa.

 

 

Mas Baliw sa Amin

Kay Ka Amado V. Hernandez

 

Hindi baliw si Ka Amado

Nang maisip niyang magsulat

Ng mga kwento.

Naramdaman lamang niya

Na may kailangang isulat, isiwalat, at imulat.

Naisip lamang niya

Na hindi kabaliwan ang paggamit

Ng pluma at tinta.

Sa halip ito ay sandata

Para mangutkot ng nagnanaknak

Na sugat.

Paduguin iyon at hayaang manariwa,

Langawin, mabulok o maisip gamutin.

Hindi baliw si Ka Amado.

Naisip lamang niya

Na baliw ang hindi nakakaramdam.

 

Hindi ako isang baliw.

Naisip kong tumula

Dahil tulad ni Ka Amado

Nananalig ako sa kayang magawa

Ng panulat.

Naisip ko na kung walang hahawak

At magpapagana sa lapis,

Wala rin itong silbi

Kagaya ng mga nagsasabing

Baliw ako dahil pinili kong

Tumula.

Hindi ako isang baliw.

Nakita ko lamang ang namamagang

Peklat na idinadaing

Noon pa mang hindi ko pa alam

Kung ano ang tula.

 

Sinumang nag- iisip na kami

Ay baliw,

Mas baliw sa amin.

 

 

Karma

 

Habang nilalatigo ng araw ang lansangan,

Kunot noo namang naglalakad ang mga bata

pabalik sa eskwelahan;

Samantalang ako ay dumadaing sa iyo

na masakit ang aking ngipin, ulo, o kaya ay tiyan.

 

Sa kaunting lambing at bola

Sasabihan mo akong mahiga at lumiban

Lihim akong matutuwa at lihim rin na maiinis

Dahil wala man ako sa silid- aralan,

Bilanggo pa rin ako sa papag nating hinihigan.

 

Kasabay ng ating paghimlay

ang paghahari ng radio sa kabahayan.

Mamamayani ang garalgal na tinig

Ng isang matanda at isang batang kapitan.

Kahit di ko sila gusto, dahil sa’yo kwento nila’y nasubaybayan.

 

Hindi ka pa nakuntento sa istoryang iyong pinakikinggan,

Bubuklat ka pa ng paketbuk bilang dagdag na kakwentuhan.

Napaisip tuloy ako

Kung mayroon ka pa bang naiintindihan

Sa pag- usad ng buhay ng mga tauhan.

 

Sa pag- usad ng oras na mabagal pa sa pawikan,

Ang kunwaring sakit ko wari ba’y nagiging katotohanan;

Kikirot ang ngipin, ulo, o ang tiyan.

Parusa marahil ng Diyos

Sa gaya kong may taglay na katamaran.

 

Paiigtingin ng tunog ng radyo ang aking nararamdaman,

Madadagdagan ang hapdi dulot ng paketbuk mong tangan

Mapapadaing ako bigla

Na sana ako’y pumasak na lamang

Kaysa manatili sa ganitong klaseng piitan.

 

 

Balisa

 

Isang tanghali na sadyang kay tamlay

Ako’y nag- iisa at sa bintana’y nakatunghay

Minamasdan ang pagsayaw ng puno ng talisay

Na tila gwardyang nakabantay sa kubong bahay.

 

Maligamgam ang hanging dumidikit sa’king balat

Habang pinagniniig ko ang papel at panulat;

Nagsasalimbayan ang mga salita sa aking ulirat

Nag- uunahang kumawala, nais masilayang lahat.

 

‘Di tulad ng makipot na sapa sa di kalayuan

Ang isip ko’t pandamdam, dumadaloy kung saan- saan

Maraming nais sabihin ngunit walang mapagsabihan

Naririndi sa sariling bulong, di alam kung pakikinggan.

 

Samantalang nahihimbing ang mga nasa paligid

Gising naman ang  aking diwa at ‘di mapinid- pinid

Ang mga hindi maisigaw dahil sa putol na litid

Idinadaan sa titik at sa talinghaga isinisilid.

Kung may mamamantsahan man ang aking tinta

At mangingilo sa kalansing ng aking mga palabra

Sana ay yaong mga dilat na hindi nakakakita

At ang mga bingi na nakakarinig ang tainga.

 

Sa isang tanghali na sadyang kay tamlay

‘Di ko maiwasang biglang dapuan ng lumbay;

Habang nakatanaw sa naglalagas na puno ng talisay

Na tila nangatngat na ng higad ang angking buhay.

 

 

Maestra

 

Tinuruan mo akong tumula

Nang makiupo ako sa kinakalawang mong silya

At isinandal ko ang malapad konh likod roon.

Tinuruan mo akong tumula

Nang lampasuhin ko ang magaspang mong sahig

Na hinihilod ng baha tuwing tag- ulan.

Tinuruan mo akong tumula

Nang hayaan mong dumihan ko ang mga pisara

Ng yeso, dugo, at putik na dumikit na sa’king kamay.

Tinuruan mo akong tumula

Nang ikulong mo ako sa maalinsangang kwarto

Kung saan nalango ako sa panghi at alimuom.

Tinuruan mo akong tumula

Nang isiksik mo ako sa dikit- dikit na kili- kili

Na nag- iwan ng amoy sa puti kong uniporme.

Tinuruan mo akong tumula

Nang iharap mo sa akin ang iba’t ibang mukha

Na pumunit sa’king kwaderno at mulimg magdikit nito.

Tinuruan mo akong tumula

Nang tanggapin mo ako at ariing iyong-iyo

Kapara ng iba na pinutulanmo ng paa at pinatakbo.

Tinuruan mo akong tumula

Nang ako’y iyong iluwa at itaboy sa malayo

Bitbit ang mga galos at taga na ikaw ang may gawa.

Tinuruan mo akong tumula

Nang mapagtanto ko na di na kita kapiling

At tanging mga turo mo na lang ang nasa akin.

 

 

Pag- iisa

 

Kapag namatay ako

Huwag ninyo akong ilagay

sa kabaong.

Huwag ninyo akong ikulong

sa nitso,

O ibaon sa lupa.

Bagkus, sunugin ninyo

ang aking mga labi.

Idarang sa apoy ang aking katawan

Matapos ay ipunin ang aking abo.

Huwag ninyo along isilid

sa porselanang banga.

Sa halip ay isaboy ninyo sa ilog

na magdamag na katalik

ng aking bayan.

Marahang idilig ang aking abo

sa mga pilapil na nakadaupang palad

ng maputik kong mga paa.

Isabog ninyo ito sa lupa

na kumandili sa matatayog na lipad

ng aking imahinasyon.

Sa aking pagpanaw,

nais kong maging kaisa

ng duyan na umiwi sa akin.

Huwag ninyo akong ikulong

sa nitso.

Bagkus, ibalik ako

sa aking pinagmulan.

 

 

Ang Kura- kot

 

Sa pagdating ng bagong kura,

tahanan ng Sto. Rosario

ay kanyang pinagiba.

Aniya,

Babaguhin, mas pagagandahin.

Sinimulan sa harapan

ang pagbabago.

Matapos ang ilang second collection,

Nagkatotoo ang façade renovation.

mabilis ang trabaho.

Siguro,

humigit kumulang tatlong taon.

 

Sunod na ipinaayos

ang bakod.

Sinemento, nilagyan ng gate

na bakal, pininturahan.

Awa ng Diyos,

tumagal lamang ng ilang buwan.

Nang  matapos,

basag na ang salamin

sa harap ng simbahan.

 

Sa pagpapatuloy,

itinumba ang lumang haligi

ng simboryo.

Unti- unting itinayo

ang pamalit sa mga bitak na bato.

Dumaan ang tatlong taon ng pagbubuno,

lumawak, lumuwag, lumaki

ang espasyo para sa mga tao.

Ang kaso,

nagkawala naang mga deboto.

 

Walong taon na

ang bagong kura.

Walong taon na rin

na binabago at pinagaganda

ang tahanan ng Sto. Rosario.

Patuloy ang second collection

para sa patuloy na renovation.

 

Kung kailan muling maitatayo

ang dating nananahimik

na simboryo,

Matagal pa, hula ko.

Siguro,

sa pagdating ng bagong kura paroko.

 

 

Penitensya

 

Ang lahat ay nagsisimula

Sa pagluhod at sa pag- antanda.

Ilang saglit pa,

Gagapang ng pa- ekis ang ilan;

Ang iba naman

Pagugulungin ang sarili sa daan.

Kapag nakadama ng pagod,

Hihinto, dadapa, tsaka hahampasin

Ng tsinelas ng tagasunod.

Samantalang ang ilan ay

Sinusugatan ang kanilang likod.

Paaagusin ang sariwang dugo,

Hahalo sa butil- butil na pawis.

Pagkatapos ay hahampasin nila

Ng isang bugkos na kahoy.

Habang nakapila, maglalakad sa kalsada

Na may talukbong sa mukha.

Ang karamihan naman,

Nakayapak na papasanin sa balikat

Ang putting krus na kay bigat.

Kung sa tingin nila’y hindi pa sapat,

Sila’y magpapapako

Kapara ng tunay na Kristo.

Ganoon sila magbawas ng pagkakasala.

Ganoon sila magpakita

Ng pananampalataya.

Sa pagluhod at sa pag- antanda

Ang lahat ay magtatapos.

Itutuloy ang buhay na tinubos;

Muling magkakasala

Hanggang sa susunod na Semana Santa.

 

 

Kay Mang Kiko ng Sta. Monica

 

Ikaw ay bayani ng bayan

Na walang bantayog

Kahit luwad man lamang.

 

            Gamit ang malikhain mong kamay

            Hinulma mo ang putik

            Ng ating kaakuhan at malay.

 

Mga daliring pinangulubot ng pagkayas

Sa mga kawayang pampalamuti

Ang patunay sa taglay mong angas.

 

            Dahil sa’yo, ang makulay na pistahan

Ay higit na napipintahan

Lalo kung buwan ng flores o Santakrusan.

 

Ikaw ang dakilang mang- uukit

Ng singkaban at sining

Na habambuhay na sa’ming nakabingwit.

 

            Ikaw ay bayani Mang Kiko

Wala man sa Bagumbayan

             Narito naman sa aming mga puso.

 

 

Pagoda sa Pista ng Apo Roque

 

Kapistahan noon ng Apo Roque

Sumama ako sa bangka ng tatay

Na inabay niya sa pagoda.

 

Maraming deboto ang nagsidalo

Kahit pa bumuhos ang ulan

Biyaya raw iyon mula sa mahal na patron.

 

Nang magsimula ang parade sa tubig

Umarangkada na ang mga pituya

Di magkamayaw ang mga nakasakay.

May nagsasayaw, may nambabasa

May humihiyaw, may tumatagay

May nagmamasid lang tulad ko.

 

Nang magsalubong ang sinasakyan mo

At ang bangkang minamaneho ng tatay ko

Nangibawbaw ang ngiti mo sa karamihan.

 

Para akong nabato balani

Hindi na natanggal ang tingin ko sa iyo

Swerte naman na napansin mo ako.

 

Sa tuwing magsasalubong tayo

Nakatitig lamang ako sa pwesto mo

Nang kindatan kita, nginitian mo ako.

 

Halos di ko na napuna ang saya ng pagoda

Basang- basa na pala ako

Masyado mong naukupa ang isip ko.

 

Pagdaong ng bangka, di na kita nakita.

Naisip ko na baka isa ka lang dayo

Baka din a talaga kita makilala.

 

Nang makapagbanlaw, lumabas ako ng bahay

Laking gulat ko na ika’y nakatambay

Sa kalapit eskinita ka lang pala nakatira.

 

Tama pala sila, biyaya ang pag- ulan kanina

Pinagpapala nga ang sa Apo Roque ay nagpagoda.

Mabuti na lamang ako ay nakasama.

 

 

Ginto Kung Ituring

 

Ginto kung ituring ka

Ng mga minero sa latian.

Makinang na mga bato

Na isinabog doon sa karagatan.

Ikaw ay perlas na mamahalin

Dinurog, isinabog, at

Sa laot, matiyagang huhukayin.

 

Ginto kung ituring ka

Ng mga minero ng latian.

Puhunan nila’y pawis at lakas

Sa pagpupulot ng mumunting hiyas

Na siyang gumagamot sa sikmurang gasgas

At lalamunang laslas.

 

Ginto kung ituring ka

Ng mga minero ng latian.

Ngunit sa karamihan

Ikaw ay ordinaryong buhangin

Na siyang nagpapaalat

Sa mga lutuin.

 

 

Bigas sa Tubig Alat

 

Nanunuot ang talim ng lamig

habang nakikipag- unahan ang kalyadong

mga paa sa

pagkindat ng

unang

silahis.

 

Halos nambubulahaw ang tunog ng

makina sa pagsuba ng

duong patungo sa

dagat na

dinilig ng

pawis.

 

Sa pagdaong sa may paltok, iulublob

ang nagyelong katawan upang iahon

ang mga lumot na

pagmumulan ng

pansaing.

 

Kapag napuno na ang espasyo at

nagngangalit na ang init, aahon

ang hapong katawan tsaka

ihahatid ang mga

napulot na

hibla- hiblang

barya.

 

Halos higupin ng lumalaking tubig ang tila

lulubog na sa bigat na bangka.

Mananalangin na lamang na sana’y

‘wag malunod ang bigas

na ginapas sa

tubig alat.

 

 

Malansang Punduhan

 

Mag- a- alas tres y medya na ng madaling araw

Bumabaon pa rin ang matatalas na pangil ng ginaw;

Tahimik ang ilog na bahagyang naiilawan ng buwan

Habang ang ilan, sa antok ay nakikipagmatigasan.

Ilang sandali pa, nilukob ng ingay ng makina

Ang punduhang kanina ay payapang- payapa.

Isa- isang dumaong ang malalaking bangka

Na pawing sa Papaya at Panasahan nagmula.

Tila mga langgam naman na dumagsa at naglapitan

Mga taong naghihintay sa huli sa palaisdaan.

‘Di magkamayaw sa pag- aahon ng mga banyera

Na umaapaw sa sugpo at bangus na sariwa.

Mga bakulera ay abala sa paglalagay ng yelo

Upang hindi mabilasa ang sangkatutak na produkto.

Kanya- kanya namang bulungan ang taga- angkat at suki

Hanggang sa tawaran sila ay magkayari.

Ilang uhugoing bata rin ang maagang nagbabanat;

Nagtitilad ng yelo at katulong sa pagbubuhat.

Bago pa man lumiwanag ay unti- unting huhupa

Ang ingay, ang ugong, ang maaaksyong eksena.

Ngunit maiiwan ang lansa sa bawat sulok ng punduhan

Mananatili ang amoy ng isda, hahalo sa amihan.

Iyon ang samyo ng buhay na palaging magpapaalala

Na hangga’t nariyan ang mga propitaryong sugapa;

Hindi mawawala ang mga puyat na tauha’t bakulera;

Hindi makakatulog ang mga patpating bata.

 

 

Sa Tulay

 

Mahaba ang pila sa paradahan

Kanina pa nakabilad ang tricycle ko

Sa tila mapambuskang alinsangan.

Samantalang ako’y walang kibo

Nakatunghay sa tanawing abot ng mga mata

Habang nakatirik ang paa sa tulay na bato.

Mula rito, arok ng tingin ang kampanaryo

Waring nakikipagtitigan sa’kin ang Apo Ana

Napadasal tuloy ako na sana lumakas ang pasada.

Napabaling ang tingin ko sa isang higante

Tila nambubulyaw ang gusali ng water district

Naulinig ko, magbayad na raw ng tubig,

Pati na rin ng kuryente.

Napailing ako, napayuko, bahagyang nag- aalala.

Mataas ang tubig sa ilog

Hindi makadaan ang malalaking bangka

Tulad ko at ng tricycle ko, wala silang magawa

Kundi ang maghintay at matulala.

Nangungurot ang araw, mahapdi sa balat.

Humahalo ang pawis sa lansa ng katabing punduhan.

Dumidikit ang usok sa pinalagkit ng habagat.

Mahina ang kita, matumal ang byahe

‘Pag minalas, hindi aabot na pang- boundary.

Mahaba pa rin ang pila sa paradahan

Konting hintay pa,

Ang tricycle at ang anim na sikmura’y magkakalaman.

 

 

Carbon

 

Carbon ang dating ngalan

n baranggay na sadyang pinangingilagan.

Noong araw,

ag kanilang pinagkakakitaan

a ang uling mula sa kuhay ng bakawan.

Subalit,

dnaluyong ng peste ang lupang tinuran;

Kaya inilipat sa kasalukuyan nitong duyan.

Hindi naglaon,

Bagong Baryo ay agad nabinyagan.

Nagbagong- bihis at ng pagkakakilanlan.

Sa kasalukuyan,

San Roque na ang siyang ngalan

ng baranggay na sadyang kinatatakutan.

Ayon sa kwento, ito ay isinunod

sa patron na napili ng sangkanayunan;

Ang poon na sa epidemya ay panlaban.

 

 

Anak ng Mandadaras

 

Palibhasa’y lingid ng iba’t ibang tubigan

Mga tao sa Hagonoy, yaong bangka ang sandalan.

 

            Sa mga pakaway nito, nakakapit kanilang mga mithi

            Sa kanyang tikin naman, nakasandig ang mumunting binhi.

 

Mga bangkang ito ay hindi biro kung gawin

Hirap ng pagdadaras,mamamalas sa San Agustin.

 

            Ang pook na ito rin ang siyang pinagmulan

            Ng isa sa mga taga- ukit n gating kasaysayan.

 

Katulad niya ay isang pambihirang bangka

Na buong tatag na pumalaot at namalakaya.

 

            Mula sa salat na pamilya ng mga mandadaras

Umusbong ang kadakilaan nitong si Ka Blas.

 

Siya at ang mga bangka, nakaangkla na sa katauhan

Sila’y anak ng Hagonoy, iiwihin magpakailanman

 

 

Ikaw Ka Valen

 

Para kay Ka Valen,

 

Ikaw na kinumutan ng biyaya

At kinulambuan ng gintong kalinga.

 

Ikaw na may dalisay na puso

Pumipintig para sa kahit na sino.

 

Ikaw na piniling mamimirmihan

Sa lupang alam lamang ng iilan.

 

Ikaw ang siyang nagbigay ng puwang

Sa mga kabayang aba at kulang.

 

Ikaw ang bukas loob na nag- alay

Ng sarili mong pundar para sila’y mabuhay.

 

Ikaw Ka Valen ang nagpunla ng pag- asa

Para masalubong ng marami ang umaga.

 

Ikaw Ka Valen ang siyang ugat ng San Pedro

At kaming lahat ngayon ay taas noo sa iyo.

 

 

Sundalong Kulay Berde

 

Kung dadalawin siguro kita sa kabilang buhay

Makikita kitang nagmumukmok at nalulumbay;

Hindi kita masisisi.

Katulad din ako noon ng karamihan

Hindi ko alam dati ang iyong pangalan.

 

Isa ka lamang sundalong kulay berde

Nakatayo sa bato, may hawak na ripple;

Hindi kita kilala.

Kagaya ng mga napapadaan doon

Tanong nami’y sino ang rebultong iyon.

 

Sa kanto ng San Nicolas at Sagrada Familia

Ika’y walang buhay at tila walang halaga;

Hindi naming alam.

Rebolusyonaryo ka pala, bayani tulad ng iba

At si Heneral Goyo, dati mo palang kasangga.

 

Kapitan Tiago Trillana, iyon ang taguri

Sa gay among magiting na tagapagtanggol ng lahi;

Hindi ko naisip.

Na isang kabayan pala ang dangal ng lipi

Nag- alay ng lakas, dugo, at sarili.

 

Kung makakapagsalita siguro ang iyong bantayog

Mumurahin mo kami sa pagiging hambog;

Hindi kita pipigilan.

Ang isang tulad mong marangal ay may karapatan

Na pagsabihan ang mga kukoteng ballot na ng kalawang.

 

Bagong Paligo

 

Sa Sto.Rosario

Ang pagbaha ay kasing dalas

Ng pagsikat at paglubog ng araw.

 

Habang naiidlip

Ang mga pilik na hilam sa tubig alat

Raragasa ang poot ng laot.

 

Parang marahas na oyayi

Iluluwa ng madilim na eskinita

Ang laksang patak na tutunaw sa aspalto.

 

Tahimik at unti- unti

Manunuot ang daluyong sa nakapinid na pinto

Pagtatampisawin ang nahihimlay sa likod nito.

 

Hanggang sa mahilamusan

Agad na lilikas ang mga nasalanta

At pahuhupain ang lagim ng magdamag.

 

Sa pagputok ng silahis

Ang Sto. Rosario ay tila bagong paligo

Naghilod ng banil at nagpalit ng baro.

 

 

Puso ng Katimugang Hagonoy

 

Pintakasing mapagmahal at maunawain

Ikaw ang dakila’t ulirang ina namin.

Ako’y narito, anak mong kapara ng marami

Ngunit naiiba sa alay na papuri.

Handog ko sa iyo, aking abang panulat

Na ikaw rin ang siyang siyang sa aki’y nagpahawak.

Sa paghagupit ng mapangahas na alon

Asahan mo ang pagliyag na aking itutugon.

Ang masalamangkang tinta na ikaw ang nagdudulot

Aking ibinabalik kalakip ang pagsintang malapulot.

O kabanal- banalang Ina ng Sto. Rosario,

Ako at ang katimugang Hagonoy ay pag- aari mo.

Titibok para sa’yo itong panulat at puso ko

Mga hinahabing salita, alay at utang sa iyo.

 

 

 

Si Aligadong, Si Lasing, at ang Kalye Crisostomo

 

Pigtal ang tsinelas,

Marungis ang kamiseta

Ng dalawang nanlilimahid na bata

Nang lumabas sila sa looban

Na kung tawagin

Ay Kalye Crisostomo.

 

Ang una ay si Aligadong,

Babae,

Ngunit mukhang lalaki.

Galawgaw, masayahin, pipi.

Kapag iinanong mo kung nasaan

Ang kanyang tatay

Ituturo niya ang ilog

At imumwestra ang kamay

Na parang isdang lumalangoy.

Kapag itinanong mo naman kung nasaan

Ang kanyang nanay

Gagayahin niya ang paghalo sa mesa

Ng mga madyongera

Kasunod ang pagbabalasa

Ng mga baraha.

 

Ang ikalawa ay si Lasing,

Lalaki,

Pero mahaba ang buhok,

Parang babae.

Tahimik, mahiyain, pagewang- gewang lumakad.

Kapag bumibili siya sa tindahan

Pipikit- pikit ang kanyang mapupulang mata

At parang kahit anong oras

Siya ay tutumba.

Tulad ng kanyang ama

Na palaging may hawak na bilog o Granma

Susuray- suray siya sa pagtawid

Sa kalsada.

Biro ng marami, bago maglaro

Siya ay pinatoma.

 

Nakayapak,

Basa ng pawis ang kamiseta

Ng dalawang nanlilimahid na bata

Nang pumasok sila sa looban

Na kung tawagin

Ay Kalye Crisostomo.

 

 

We’re Open

 

“Ano pong order ninyo?”

Tanong ng weyter sa may pinto.

Sabi ko,

“Inihaw na bangus,

Alimango na halabos,

Sinigang na hipon at sugpo,

Alimasag na nirelyeno,

Pritong tilapya,

At sariwang talangka.”

Ngumiti lamang ang weyter

Hindi isinulat alinman sa aking order.

Mayamaya,

            “Mawalang galang na po.”

            Sabi ng weyter sa may pinto.

            “Doon po yata ang sadya ninyo.”

            Itinuro niya ang isang arko

            Sa bungad ng tulay

Sa kabilang ibayo.

“TULOY PO KAYO SA HAGONOY”

Ani ng nakatindig na bato.

 

 

Kawawa Naman Sila

 

Kawawa ang mga musmos

Na pinagkaitang makapaglunoy

Sa dating ilog na paliguan

At siyang pugad ng mga bagong tuli

Sa araw ng paglalanggas.

 

Kawawa ang mga paslit

Na ninakawan ng pagkakataong

Makapaglambitin sa sanga ng mga puno

At makatikim ng duhat at aratiris

Na bagong pitas at sadyang kay tamis.

 

Kawawa ang mga batang

Hindi na masisipat ang lupang

Pininturahan ng lunti at kahel

Kung saan makapanghuhuli sila

Ng tutubing karayom at tutubing patis.

Lahat ng kagandahang ito ay

Kukurutin na lamang ng maliliit nilang kuko

Sa kwento ng mga dating musmos din

Na siya namang nagdilig

Ng lason sa lusaw na palaruan.

 

Lahat ng tanawing ito ay

Makukulong na sa alaala ng kung sino

Lamang ang nakaamoy at nakalasap

Yaong kung sino rin ang nagpapakla

Ng mga bungang dati ay kay sagana.

 

Lahat ng mga biyayang ito ay

Mahahawakan na lamang sa taludtod

Ng mga tulang magpapaalala

Na kaya may mga kawawang paslit

Ay dahil may mga buwaya sa paligid.

           

 

Ano ang Nakatutuwa sa Baha?

 

Nagtatampisaw sa baha ngayon

ang kapatid ko.

Natutuwa siya sa galaw ng tubig

habang nilalaro ng kanyang mga paa;

Samantalang may isang bata

na sumisisid pa sa

berdeng likido.

“Ano ang nakatutuwa sa baha?”

Bulong ko sa kaharap kong papel.

Narinig kong nagmura ang

aking tiyahin.

Tuluyan na raw nilubog ang

kanilang sala set.

“Ano ang nakatutuwa sa baha?”

Bukod sa lubog at basa

ang buong paligid,

Isang laksang basura pa ang

palutang- lutang kung saan- saan.

Kapag mataas ang tubig,

walang masakyan, mahal ang pamasahe.

Nagiging dagat ang mga kalsadang

paulit- ulit na pinaglulustayan

ng pondo para pataasan

pero binabaha pa rin.

Limitado ang espasyong maaaring galawan,

Dahil kahit gaano mo itaas

ang iyong salawal, didilaan pa rin

iyon ng malagkit na tubig tabang.

Perwisyo ang baha kahit sa

paghupa nito.

May mga kailangang maglimas

upang simutin ang lahat ng katas.

Ang mga itinaas na kasangkapan

muling ibababa upang mapakinabangan

at muling itataas sa pagbaha

kinabukasan.

“Anong nakatutuwa sa baha?”

Nagsawa na sa pagtatampisaw

ang kapatid ko.

Umahon na rin yung batang

nakalibre ng paligo.

Kung ipaanod ko kaya sa baha

ang tulang ito,

Makakadaong kaya sa tuyo

at makintab na munisipyo?

 

 

Elehiya sa Bangus

 

Hahanap- hanapin namain ang iyong

            Malapilak na balat.

Pananabikan naming muli na mamalas

            Ang paglukso mo sa tubig.

Ikalulungkot naming ang mga panahong

            Wala kasa mga bukang liwayway

                        At dapithapon.

Mababakante na ang sapa na iyong

            Nilalanguyan.

Kasabay na malulungkot ng pilapil

            Ang kumalinga sa iyong lambat.

Mag- aalmusal kaming ‘di ko kapiling

Maghahapunan kaming wala ka

            Sa aming tabi,

Ang aming alaga,

Kaibigan,

Kasama,

At pinagkakakitaan,

Ang aming bangus.

Lumigaya ka nawa sa paglalagakan

            Mong hapag.

Kung saan mapapawi mo ang sakit,

            Gutom,

            At paghihirap ng iba.

Kung saan maibabahagi mo

Ang iyong sarili ng buong- buo

            O kahit putol- putol.

Hindi ka na makikipag- unahang makakain

            Sa kapwa mo isda

Ikaw na ngayon ang pag- uunahang lantakan

            At kainin.

Habang kaming mga naiwan mo

            Ay muling huhubog at magpapalaki

            Ng isang tulad mo.

 

 

Sa Iyong Pagbisita

 

Sa pagtapak mo sa poblacion

Sasalubungin ka ng kakatwang istruktura

Na kulay rosas ang pintura.

Matayog na nakatindig sa puso ng bayan

Ang naiwang pamana ng mga Augustinong kura

Ang pambansang dambana ng Santa Ana.

Dating yari sa kawayan,

Naging bato at ladrilyo nang lumaon.

Krusero ay inililim sa tisang bubong.

Nang yumanig ang lupa

Ilang bahagi ang gumuho’t nagiba.

Sa muling pagtatayo

Ibinangon ang presbiteryo

At dalawang sakristiya.

Sa kasalukuyan, ang banal na tahanan

Ay isang ‘di matutumbasang yaman.

Kampanaryo nito ang piping saksi

Sa pagbanyuhay ng baying tangi.

Ang pinto nitong daan taon ang edad

Ang siya namang nakakita ng paghinto’t pag- usad.

Mga poon na nakabakod sa mahal na simboryo

Ay nagsisilbing bantay at gabay rin ng mga tao.

Sa pagtapak mo sa poblacion

Salubungin mo ang kakatwang istruktura

Na kulay rosas ang pintura.

Naroon ang aming ina

Tahimik na hinihintay ang ‘yong pagbisita.

 

 

 

Training Ground

 

Paano hinuhubog ang isang pinuno ng bayan?

 

  1. Pipiliting patakbuhin sa pambaranggay na halalan.
  2. Ibobotong pangulo ng sangguniang kabataan.
  3. Bibigyang kapangyarihan sa kanyang nasasakupan.
  4. Hihingan ng tulong ng mga tinedyer na nangangailangan.
  5. Maglalaan ng pondo para sa gawaing pampalakasan.
  6. Pahihintulutang mangilak para ang kaban ay madagdagan.
  7. Pamumunuan ang palaro at paggagayak sa kapistahan.
  8. Ibabadyet ang pera upang pagkatapos ay may pangkasiyahan.
  9. Paaasahin ang mga kasama na may awting o inuman.
  10. Sasabihing ‘di sinasadyang maitapon ang pera sa basurahan.

 

Maglilipat taon at ang hinulmang pinuno ay mapapalitan

Handa na siya para maging konsehal ng bayan.

 

 

Hindi na Iilaw Pa ang Parola

 

Papalubog na ang pagal na araw

Tanging ang hangin ang aking kaulayaw

Habang mula sa pilapil ay aking tinatanaw

Ang parola sa laot na hindi umiilaw.

 

Sa pagkalat ng dilim, nanumbalik ang kahapon

Muli kong sinariwa ang mga gintong panahon

Alaala ng lumipas sa puso ko’y bumangon

Kapiling ang nakatindig na paroling yaon.

 

Tila kanina lamang, liwanag niya ay nariyan

Nagtuturo’t gumagabay patungo sa wastong daan

Kumakandili sa mga sandaling ako ay luhaaan

Nagsisislbing karamay ko sa oras ng kalungkutan.

 

Kaya naman sadyang kay hirap tanggapin

Na ang parola kong iyon ay biglang nagdilim

Katotohana’y tinatakasan at ayaw harapin

Dahil di ko makakayang ako’y kanyang lisanin.

 

Subalit alam kong ikaw ay pagod na

At ang sinag mo’y hindi na maisasabog pa

Kaya’t habang tanaw ka pa ng aking mga mata

Nais kong ihatid sa’yo ang aking pagpapahalaga.

 

Ibig kong ipagsigawan kung gaano kita kamahal

Na dito sa puso ko, kabuuan mo’y nakakintal

Ngayong kapiling mo na ang maylalang

Sana’y naririnig mo pa ang inuusal kong dasal.

 

Wala na nga, wala na

Ako’y tuluyan nang inulila.

Pero sa aking alaala, mananatili ka sa tuwina.

Babaunin kailanman ang sinag mong dala

Dahil di na muling iilaw ang aking parola.