I. Kalyo sa Kanang Palasinsingan

August 15, 2008

Parang kabute na bigla na lamang tumubo ang hindi pangkaraniwang bukol sa aking daliri. Hindi ko man lang napansin ang unti- unti nitong pagkabuo. Tulad ng lahat ng bagay, nagsimula ito sa maliit hanggang sa lumaki nang lumaki. Palibhasa ay nasa ikatlong baiting pa lang ako, hindi ko agad napuna ang pagbabagong iyon sa aking katawan. Hindi ko na rin mahalukay sa aking alaala kung paano ko nalaman na may kakaiba nap ala sa aking kamay. Kung sinuman ang unang nakakita, nakahipo, o nakatuklas nito, hindi ko na mapapasalamatan dahil hindi ko naman batid kung sino siya. Ang alam ko lang, may nagsabi sa akin na ang madiin na paraan ng pagsusulat ko raw ang dahilan kung bakit umusbong ang kalyo sa aking kanang palansinsingan.

Mahigit isang dekada na ang lumipas bago ko naisipang hanapan ng siyentipikong paliwanag ang nadagdag na parte sa aking sistema. Ayon sa nabasa ko sa internet, ang kalyo ay nabubuo dahil sa tinatawag na hyperkeratosis. Ito ay ang pagkapal at pagtigas ng balat bunga ng matinding presyur at paulit- ulit na kontak. Ang callus (sa salitang hiram) ay karaniwang matatagpuan sa mga kamay o paa. Ang pagkakaroon nito ay hindi mapanganib pero minsan ay maaaring magdulot din ng impeksyon.

Kung pagbabasehan at paniniwalaan ko ang eksplanasyong ito, ibig sabihin ay tama ang ibinigay na paliwanag sa akin noong ako’y bata. Ang madalas at madiin na pagsusulat ko na nananatili hanggang sa kasalukuyan ang siyang humulma sa bukol na kapag nakikita ng iba ay pinagkakatuwaan o di kaya’y pinandidirihan.

Ayon pa sa aking nasaliksaik, ang kalyong bunga ng malimit na pagdadaupa ng panulat at ng palasinsingan (o ng gitnang daliri sa ilan) ay tinatawag na writer’s bump. Napaisip tuloy ako na baka ang biglang paglitaw ng aking kalyo ay isa palang premonisyon sa aking hinaharap. Baka tulad ng nabanggit sa tula ni Roberto Añonuevo, sadyang may makapagsasabi ng kung anumang itinakda para sa akin.

“Malapad ang noo nang siya’y isilang.

Ang haka ng lolo: ‘Ang bata’y mahusay!’

Binasa ng nanay ang mapa ng palad.

‘Ay, rebelde ito’t hahawak ng armas.’

Tinapik ni dikong ang sakong ng sanggol.

‘Siya ang sisikad sa ating panahon.’”

- Kapalaran Ayon sa Kaanak

Hindi ko masasabi at hindi ko alam kung sino ang makapagsasabi na tama ang nabuo kong teorya. Ngunit kung magkaganoon man, lubos ang madarama kong kaligayahan. Kung ang tintang iniluluha ng aking panulat ay gumuguhit ng linya patungo sa kinabukasan ko bilang isang manunulat, malugod ko itong hahayaan. Wala akong makapang alaala ng pagnanais kong mawala ang kalyong magpapapangit sa aking daliri. Madalas ko man itong tungkabin gamit ang nail cutter o ngipin, tila hindi ko naisipang ito ay tanggalin. Marahil tinanggap ko na ang malaking kalyo bilang isang tanda ng aking pagkakakilanlan. O kaya naman ay dahil napagtanto ko na ang di pangkaraniwang bukol na mayroon ako ay kaibahan (o kaastigan sa makabagong konteksto) na maituturing na akin naming maipagyayabang. At siguro, pinanatili ko ang kalyo dahil tinitingnan ko ito bilang isang salamin ng pag- usad, pagbabago, at paghinang ng aking talento. Hindi lang papel at panulat ang kaagapay ko sa landas na pinili kong tahakin. Naging saksi ang aking kalyo sa pangangahas kong pasukin ang mundo ng pagsusulat. Naroon siya nang unang magtae ang aking panulat, nang tasahan ang aking lapis, nang muli itong mabali dahil sa diin ng pagsusuat, nang maubusan ng tinta ang kabibili ko lamang na bolpen, at nang mapilas at malukot ko halos lahat ng pahina ng aking kwaderno dahil sa di kasiya- siyang likha. Maisasalaysay ng nanigas na balat sa aking daliri ang kwento ng pagkiskis ko ng aking utak sa papel.

Isang kaibigan ang nagsabi sa akin noon na hindi raw matatanggal ang kalyo hanggat ako’y nag- aaral. Kakambal nga naman kasi ng eskwela ang pagsusulat. Pero naisip ko, marahil kahit makapagtapos na ako, magkatrabaho, magkapamilya’t magkauban, hindi na mawawala pa ang bukol sa aking palasinsingan. Mananatili na ito na parang isang singsing na sumisimbolo sa pakikipag- isang dibdib ko sa pagsusulat. Hindi na maglalaho ang kalyong ito dahil kung magkagayon, nangangahulugan lamang na binitawan ko na ang aking panulat. At sa ngayon, mukhang Malabo pang mangyari iyon.

II. Unang Galugad sa Mina ng Salita

August 15, 2008

Tumuntong ako sa elementarya na kulang sa edad at kahandaan. Wala akong kaalam- alam sa pagbasa at pagsulat. Puno ng takot at pag-aalinlangan sa sarili, sumabak ako sa isang bago at mas malaking palaruan.

Hindi ko na matandaan kung paano ko hinarap at nalampasan ang mga hamon sa loob at labas ng silid- aralan. Sa pagdaan ng aking pagiging bata, nakilala ko ang ako na tamad pumasok sa paaralan, ang ako na ang tanging sais ay makipaglaro ng patintero at luksong- baka, ang ako na naglulunoy sa baha tuwing tag- ulan, ang ako na umidolo at gumaya sa mga napapanood na bayani sa telebisyon. Isang bata na hindi naiiba marami. Hanggang sa masumpungan ko ang aking sarili na may hawak na lapis, gumuguhit ng mga likhang- isip na tauhan gamit ang mga titik.Siyam na taon ako nang una kong galugarin ang mina ng mga salita upang makabuo ng sariling obra.

Nang matuto akong magbasa, kiniliti ng samu’t saring aklat ng Adarna Publishing House at mga nilalakong kwento ni Lola Basyang ang aking imahinasyon. Unti- unting nakalas ang buhol ng kahon nang malulong ako sa mga librong pampanitikan na pinaglumaan ng aking kapatid at mga pinsan. Hanggang sa tuluyang kumawala ang malikot na lipad ng aking isip at inuyukang sumayaw ang panulat ko sa indayog ng aking kamay. Noon nagsimulang magising ang musmos na kwentista sa aking kalooban.

Tinangka kong gumawa ng sarili kong mga kwento mula sa aking mga nabasa at napanood. Ang tanging laman ng utak ko ay ang makatapos ng isang orihinal na likha na maaari kong ibahagi sa aking mga kaibigan. At ang itinuturing kong panganayng aking mga naisulat ay ang “Alamat ng Bahaghari”. Binuo ko ang kwentong ito sa nilulumot naming silid- aklatan noong ako ay nasa ika- apat na baiting. Sabi ng aming guro, isasali niya iyon sa isang patimpalak. Subalit hindi ko na nalaman kung ano ang kinahinatnan ng aking unang likha. Sayang nga lamang at wala akong naitagong kopya nito na makapagpapatunay na hindi lamang kwento ang kwentong iyon.

Nagbunga naman ng maganda ang pangangahas kong magsulat. Ilan sa malalapit na kaklase at kaibigan ang nahawahan ko ng interes sa pagbuo ng mga istorya buhat sa uhugin at gusgusin naming imahinasyon. Bumuo kami ng isang grupo ng mga batang kwentista. Ginugol namin sa pagsusulat ang mga oras na para sana sa paglilibang. Mula sa mga ginupit na larawan sa Saranggola Magasin, humabi kamin ng mga kwento ng hiwaga, mahika, kababalaghan, pakikipagsapalaran, pagkakaibigan,at kung anu- ano pa. Pagkatapos ay buong pagmamalaki naming ibinabahagi sa klase an gaming mga obra. Ang bawat miyembro ng grupo at an gaming mga kaklase ang nagsilbing una naming mga mambabasa, tagapakinig, at kritiko. Mula sa mga istoryang aming naisulat, nakabuo rin kami ng isang makulay at makabuluhang kwento ng di mapapantayang samahan. Sa paggalugad naming sa mina mg mga salita, nahukay ko ang isang kayamanang mahirap matagpuan.

III. Gumon sa Samyo ng Tinta

August 15, 2008

Himala sigurong maituturing ang pagkahilig ko sa pagbabasa. Sa naaalala ko kasi, isa ako sa mga mag- aaral na walang ganang pumasok noon sa eskwelahan. Isinalaysay ko pa ito sa tulang “Karma”:

Habang nilalatigo ng araw ang lansangan,

Kunot noo namang naglalakad ang mga bata

pabalik sa eskwelahan;

Samantalang ako ay dumadaing sa iyo

na masakit ang aking ngipin, ulo, o kaya ay tiyan.

Sa kaunting lambing at bola

Sasabihan mo akong mahiga at lumiban

Lihim akong matutuwa at lihim rin na maiinis

Dahil wala man ako sa silid- aralan,

Bilanggo pa rin ako sa papag nating hinihigan.

- Karma

Hindi naging isang interesanteng lugar para sa akin ang Hagonoy West Central School. Ang tingin ko rito ay piitan ng mga batang tulad ko na hindi makasumpong ng kasiyahan sa piling ng mga titik at bilang. Wala sa hinagap ko na darating ang araw na magpapakagumon ako sa pagtatagni- tagni ng mga salita. Ang isang libangan ay hindi ko inasahan na magiging isang adiksyon. Kung paano humantong sa ganito, may dalawang paliwanag akong mailalatag. Una, nabighani at nabihag ako sa bato balaning rikit ng sining ng pagsulat. Naging isang napakahiwagang bagay sa akin ng pagsulat na kay sarap tuklasin. Nakalalango ang hated na amats sa tuwing bumubuo ako ng mga kwento, pinagsasalita at pinakikilos ang mga tauhan, at minamanipula ang takbo ng kanilang isip, puso, at buhay. Iba ang sipa ng tinta at papel. Tama ang paalaala sa amin ng propesor na nagturo sa akin na sumulat ng nobela:

“ Kung nagsusulat ka na, para ka na ring pumasok sa ibang mundo, sa ibang katauhan. Para kang may ibang mga buhay na isinasabuhay sa sandali ng iyong pagsusulat. Mararamdaman mo ang lahat ng nararamdaman ng iyong tauhan. Parang naasa roller coaster ang emosyon mo, kaharap ang kompyuter (o kahit papel), tumitipa sa kibord, umiiyak, tumatawa, nagagalit, naninibugho.”

Itinuring kong langit ang pagsulat dahil sa tuwing may hawak akong panulat at may kaharap na sulatan, lumalaya ako. Nagiging posible ang imposible at imposible ang posible. Sa pagsusulat, naiisip ko na ako ang diyos, ako ang may kontrol sa lahat. Ang mga bulong ay kaya kong isigaw. Ang mga lihim ay kaya kog ibunyag. Ang mga nakadamit ay kaya kong hubaran. Ang matataas sa akin ay nagagawa kong pabagsakin. Ito ang sarap na hatid ng pagkagumon sa samyo ng tinta. Sa iyo ang mundo. Iyong- iyo lang.

Ikalawa, ang pagkalulong ko sa drogang tinatawag na pluma ay maisisisi sa mga aging tagatulak nito. Hindi naman ako magiging adik kung wala ang mga nag- impluwensya sa akin na humithit at tumira.

Isa sa mga pangunahing bagay na nag- udyok sa akin na magsulat ay ang telebisyon, radio, at pinilikang tabing. Kinamulatan ko ang pamamayagpag g mga programang pambata na bubungad sa’yo pagkagising mo sa umaga. Malaki ang papel na ginampanan ng Hiraya manawari, Bayani, Wansapanataym, at Oka tokat sa apghubog at pagyaman ng aking imahinasyon. Ang mga palabas na ito ang nagpakilala sa akin sa mga hari, reyna, mandirigma, mangkukulam, aswang, higante, diwata, mga ibon at isdang nakakanta. Ang programang Pahina naman ang nagturo sa akin ng mga natatanging katha ng ating mga sikat na manunulat. Sa palabas na ito ko narinig ang “Kwento ni Mabuti”, nasaksihan ang “Paglilitis kay Mang Serapyo”, namalas ang paglipad ng “Guryon”. Labis akong sumasang- ayon titik ng kanta ng programang ito.

“Tuwing pahina’y binubuklat, nararating ko ang gubat;

Naririnig ko ang himig ng dumadaloy na batis;

Hinahagkan ako ng hangin mula sa kung saang lupain.

Pahina ako’y iyong dalhin sa magaganda at malalayong lupain

Pahina sa’kin ay ipaalam ang taos na pagmamahal

Pahina sa’kin ay iparinig ang pintig ng pusong umiibig

Pahina sa’kin ay ipadama takot at pangamba, sakit at saya.”

Hindi ko rin maikakaila na naimpluwensyahan ng mga dramang pantelibisyon ang aking pagsusulat. Kasabay kong lumaki ang mga telenobela na naghain ng mga makatotohanang mukha ng buhay na pwedeng maisatitik. Gayundin ang hatid ng mga pelikulang Pilipino na hilig kong panoorin. Lumaki akong tinitingala ang obrang hango man sa ibang bansa ang ilan ay maituturing pa rin na sariling atin. At siyempre, bilang isang musmos na manghang- mangha sa telebisyon, malaking bahagi ng aking imahinasyon ay nahulma ng mga kartuns o animé mula sa bansang Hapon. Nahumaling ako sa panonood ng kagila- gilalas na pakikipagsapalaran at pakikipaglaban sa Ghost Fighter, Flame of Recca, Fushigi Yuugi, at marami pang iba. Nang magkolehiyo ako, natuklasan ko na ang ilang parte sa kwento ng mga kartuns na ito ay hango sa mitolohiya.

Matud Nila at Kapitang Pinoy naman ang mga dulag panradyo na nakaimpluwensya sa akin. Nasubaybayan ko ang kasaysayan ng mga ito dahil sa pakikinig ng aking nanay sa oras ng siesta. Sa mga dramang ito ko naulinig ang halakhak ng tagumpay, hagulgol ng iniwan, hingal ng may tinatakbuhan, pagungulit ng batang paslit, paghingi ng saklolo ng mga nasa panganib, at pagsigaw ng superhero sa kanyang pagpapalit- anyo. Natigil lamang ang gawing ito ng masira ang aming radyo.

Ang numerong tagatulak at tagasuplay ng droga sa akin ay walang iba kundi ang mga likhang aking nabasa. Una akong nahumaling sa mga librong pampanitikan na hinihingi ko o kaya’y ibinibigay sa akin. Pagkatapos ay nauso ang mga aklat pambata ng Adarna Publishing House na inilalako sa eskwelahan. Ang mga babasahin na ito ang nagbukas sa akin ng mundo ng mga alamat at kwentong- bayan. Nasumpungan ko naman sa Liwayway Magazine ng aking lolo ang mga komiks na iba’t iba ang uri. Nasundan ko ang kwento ng “Buhay Pinoy”, “Si Piolo at Lorelei”, “Anak ng Bulkan”, at “Huling Lahi ng Aswang”. Nagbigay ang mga ito ng mas malawak na pagsipat sa mga istoryang maaari kong maisulat.

Kinahumalingan ko rin ang pagbabasa ng mga Filipino romance pocketbooks dahil na rin sa pagkahilig ng aking nanay. Kung ilang serye ng mga kwentong- pag- ibig ng isang angkan o barkadahan ang dumaan sa aking mga kamay. Ang paulit- ulit at halos pare- parehog takbo at ikot ng mga istorya ay tumimo sa aking isipan. Ilang magagandang linya at aral din aking napulot mula sa mga ito na nagamit ko na rin sa mga nagawa kong kwento.

Nang sumikat ang mga penomenal na aklat ni Bob Ong, isa ako sa mga kabataang nahulihan nito ng kiliti. Ito ang tanging koleksyon ng libro na pinaggastusan at kinumpleto ko. Labis akong natuwa sa kanyang mga likha kaya’t inuulit- ulit ko pa ang pagbasa. Hinangaan ko ang ginamit niyang paraan upang punahin ang mga sakit ng lipunan at ang mga simpleng bagay sa buhay ng mga Pilipino na malaki ang epektong naidudulot sa pagbuo ng isang nasyon. At dahil halos idolohin ko na siya, labis na nabahiran ng kanyang tinta ang tirada ng aking pagsusulat. Kay Bob Ong ko rin naman natutuhan na hindi maiiwasan ng isang bata at bagong manunulat na tulad ko ang maimpluwensyahan ng mga may- akda ng mga nabasa naming katha. Mahirap nga naman kasing tanggalin sa sistema ang araw- araw mong nilalanghap na usok, oras- oras mong sinisipsip na dugo, at minu- minuto mong niyayakap na ideya.

(NOTE: isusudlong ko pa po ang bahagi ukol sa mga pumasok na impluwensya mula nang simulan ko ang pagsulat ng thesis)

IV. Pagkatagpo sa Isang Bagong Pag- ibig

August 15, 2008

Lumaki ako at nagkaisip sa piling ng mga kwento at sa paggawa ng mga ito. Dito umikot ang aking panulat at para sa akin, iyon ang tanging daigdig na didiligan ng aking pluma. Labis akong nahulog sa kagandahan ng mga kwentong- bayan, pabula, alamat, at parabola. Ang buong akala ko ay matatali ako sa pagsusulat g mga ganitong katha.

Nasa ika anim na baiting ako nang mapansin ko ang taglay na kariktan ng mga tula. Maraming tula na ang aking nabasa, sinaulo, at itinanghal sa mga patimpalak, pero hindi ako naakit sa mga iyon. Para sa akin, masyadong malalim ang mga tula. Tila napakahirap tahiin ng mga salita para makabuo ng isang simpleng taludturan. Hindi ko tinangkang sumulat dahil sa tingin ko ay hindi ko magagawa.

Hindi ko na maalala kung kalian ako unang tumula at kung ano ang unang tula na aking naisulat. Pero ang pinakanatanim sa isip ko ay ang tulang “Paalam” na labis na pinuri ng aming guro at pinalakpakan ng aking mga kaklase. At sa tingin ko, doon nagsimula ang paglimot ko sa mga kwento. Masyado yatang lumaki ang ulo ko. Sayang at wala rin akong maipapakitang pruweba ng kathang iyon. Sa pagkakatanda ko, ito ay tula ng pamamaalam sa elementarya— sa mga kaibiga na kasama kong yumabong at tinubuan ng isip at pakialam, sa mga guro na pumanday sa amin, at sa eskwelahan na kumandili sa mga musmos naming pangarap.

Pagtapak ko sa mataas na paaralan, mas lalo kong nakilala ang aking bagong pag- ibig. Namalas ko ang kakayahan nito na magsalaysay ng kwento, maglarawan ng mga bagay at sitwasyon, at magpahayag ng nararamdaman. Naging isang kabigha- bighaning sining sa akin ng pagtula kaya naman hinasa ko ang aking panulat sa pag- ukit ng mga sukat at tugma. Napalitan ng Filipino ang Heograpiya, Kasaysayan, at Sibika bilang paborito kong asignatura. Pinag- aralan ko ng husto ang paglikha ng mga talinhaga at paglalaro ng mga salita para sa ikagaganda ng aking mga katha.

Nang makasabay ang aking panulat sa musikang hatid ng pagtula, naging isang mabisang paraan ang pagsusulat ng tula para mailabas ko ang aking nararamdaman. Nasanay ako na sa papel ibinubuhos ang sama ng loob, kilig, pagkadismaya, pagkasurpresa, pangungulila, pangamba, at pagpuna. Ilang sanaysay din ang naisulat ko dahil sa paghulagpos ng mga emosyon na ayokong ikulong na lamang. Pero nang matagpuan ko ang tula, dito ko na ipinagtatapat at isinusumbong ang mga bagay na hindi ko kayang maisatinig.

Sa tulang “Pag- ibig: Sanhi at Bunga” na isinulat ko noong third year high school, isinatitik ko ang pagtingin ko sa pagmamahal bilang isang makapangyarihang damdamin.

“Pag- ibig ang siyang nagpapainog sa sanlibutan

Tinitibok n gating puso na siyang pinagmumulan

Ng pagkakaisa at ng ganap na kapayapaan

Na nagsisilbing binhi nitong ating kaligayahan…”

-Pag- ibig: Sanhi at Bunga

Nagamit ko rin ang tula sa isa sa pinaka hindi malilimutang yugto ng aking kabataan. Dahil sa likas akong torpe pagdating sa mga babae, dinaan ko sa mga nakalimbag na salita ang aking unang seryosong panliligaw. Noong simula ay sumulat muna ako ng love letter na hindi ko nagawang ibigay. Pero sadya yatang mapagbiro ang tadhana, inatasan kami n gaming guri sa Filipino III na gumawa ng tula para sa aming mga hinahangaan. Narito ang buong tula na aking ipinasa at binasa sa harap ng klase kung saan naroon ang aking inspirasyon.

“Sa tuwina, kariktan mo’y natatanaw

Malamyos mong tinig, sa aki’y tumutunaw

Mamasdan ka lang, buo na ang aking araw

‘Pagkat abang puso, ang sigaw ay ikaw.

Bawat pintig ng dibdib ay sa’yo laan

Ang sigla’t ngiti ko’y ikaw ang dahilan

Hiling ko, pag- ibig mo rin ay maramdaman

Maaari mo ba akong mapagbigyan?

Kung sakali mang di sa akin ialay

Pagsinta ko’y mananatiling dalisay

At ang pusong ito, sayo’y maghihintay

Pag- giliw ko kailanma’y di mamamatay.”

-Panenayan Daka (Maghihintay Sa’yo)

Sa mga pagkakataong wala akong produktibong nagagawa o kaya naman ay nilalamon ako ng katahimikan ng pag- iisa, nauuwi ako sa pagtula. Naging pampalipas oras ko ito na di naglaon ay nagsilbing pagsasanay na rin. Sa mga unang buwan ko sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños (UPLB), wala akong kasamang tumambay kundi ang aking bolpen at papel. Tuwing nababakante ako, kaulayaw ko ang dalawang ito sa likod ng layb, sa paligid ng mga gusali g Humanidades at Student Union, sa mga bakanteng silid sa Institute at Biological Sciences, at sa kwarto ko sa dormitoryo na nasa gitna ng kagubatan. Sa mga pagkakataong nalulungkot, walang makausap, nagmumuni- muni, at pilit hinahanapan ng sago tang napakaraming bakit, pinasasayaw ko ang aking bolpen. Kahit anong tugtog, ang mahalaga ay may matapos na obra. Ilang tula rin ang naging produkto ng pagkabagot, pagnanais na umuwi sa Bulacan, pagkapagod sa bangis ng akademya, at pagkamangha sa mga bagong bagay at karanasan. Isa sa mga ito ay ang tulang “KomArts” na naglalahad ng pagsabak ko sa isang mas malaking palaruan, ang UPLB.

“Kay bilis ng araw,

Hindi ko man lamang namalayan ang pagkalagas ng panahon.

Parang kalian lang,

Nangangapa ako sa bago kong mundo,

Pilit kong inaalam ang pasikot- sikot

Ang sistema ng isang di kilalang paraiso.

Tila kahapon lamang nang una kong natikamn ang kalayaan…

Nang unang beses kong iwan ang aking kinagisnan.”

V. Makata sa Lilim ng mga Puno

August 15, 2008

Tuluyan akong nalulong sa bisyo ng pagtula. Hindi ko namalayan, natambakan nap ala ng mga likha ko ang likod na pahina ng aking mga kwaderno at mga scratch papers na nakaipit sa mga libro. Iba ang hatid na langit ng pagpapadaloy ng isip at damdamin gamit ang mga taludturan. Sa tuwing inilalapat ko ang labi ng panulat sa papel, nakakadama ako ng paglaya mula sa pagkabagabag, mga agam- agam, at pag- abot ng orgasmo sa may hatid na ngiti at kiliti. Ngunit naisip ko na ako lamang ng ako ang nakararating sa langit na binubuo ko. Napagtanto ko na pawing pansariling luwalhati ang nakakamtan ko sa pagsusulat ng mga tula.

Sa ikalawang taon ko sa kolehiyo, sumali ako sa isang organisasyon na malayong- malayo sa kursong kinukuha ko ngunit malapit na malapit naman sa puso ko, ang Haribon UPLB. Isa itong grupo ng mga iskolar ng bayan at para sa bayan na kumukilos upang pangalagaan at protektahan ang kapaligiran at mga likas- yaman; isang siyentipikong organisasyon na pinangahasang pasukin ng isang tulad ko na nagmula sa linya ng sining. Noong nagsimula ako bilang miyembro, hindi ko alam kung sa paanong paraan ako makapagsisilbi bukod sa pagpupulot ng basura, pagtatanim ng puno, at pagtuturo ng kaalamang- pangkalikasan. Mahirap makalangoy sa alon ng mga kapwa estudyante na nagtatampisaw sa ilog ng agham. Muntik na akong malunod pero naisip ko na sa grupong ito, mas matimbang ang pinanghahawakang prinsipyo at hindi ang karunungang taglay ng mga tao. Noon ko naisip na gamitin ang kung anong mayroon ako— panulat at papel.

Sa puntong iyon nagkaroon ng biglang liko ang bolpen ko. Ang mga salita, tugma, at talinhaga na parang wala namang kahalagahan at pinatutunguhan ay nagkaroon ng layunin at tunguhin. Sa pamamagitan ng mga tula, pinagsalita ko ang mga puno, hayop, at insekto; dinulutan ko ng tinig ang tubig, lupa, at hangin. Minantsahan ko ng tinta ang organisasyon na lalong nagpaigting sa adbokasiya at aktibismo g grupo.

Isa sa mga katha ko na nailimbag sa Plumahe, ang opisyal na pahayagan ng Haribon UPLB, ay ang “Panambitan ng Tinta” na nagpapabatid ng mga hinaing ni Inang Kalikasan sa kanyang mga anak.

“Mga anak,

Bakit kailangang gawin ninyo sa’kin ito?

Bakit?

Ano’ng pagkukulang ko?

Hindi pa ba sapat ang mga handog ko sa inyo?

Hanggang sa ngayon ako’y gulong- gulo

Dahil hindi ko lubos maisip na nagawa ninyo ito…

Ano pa ba ang inyong gusto?

Alam kong kailangan ninyo ako

At kailangan ko rin kayo.

Pero bakit humantong tayo sa ganito?

Anak,

Napapagod din ako.

Darating ang panahon mauubos din ang kayamanang dala ko;

Bawat patak…

Bawat butil…

Bawat pag- ihip…

Bawat pagsibol.

May katapusan ang lahat ng ito.

May hangganan ang lakas na mayroon ako.

Anak,

Naiintindihan ko ang pangangailangan mo.

Pero kung hindi ka matututo,

Maaaring bukas,

Ang paraisopng ito’y tuluyan nang maglaho.

Anak, isa lang naman ang hiling ko…

Huwag mong tahakin ang landas ng pag- abuso.

Hangga’t kaya ko,

Hindi ko bibitiwan ang kamay mo.

Ang nais ko lang,

Respeto…

Nagmamahal,

Ang inyong ina.”

- Panambitan ng Tinta

Kung Alam Niya Lang

August 12, 2008

Napabili ako ng dyaryo

Nang masipat ang artikulo

Na may ngalan ng bayan ko.

Ayun at bida pala

Ang aming punong bayan

Sa nakaraang pagbisita

Ng pangulong kapita- pitagan.

Napansin ng tagapagbalita

Ang mapagkumbabang entrada ni meyor.

Nang mula sa traysikel ito ay bumaba

At sa presidente’y nakipagkamay na puno ng amor.

Natuwa ang may akda at pinuri

Ang napakamasa raw na gawi.

Bukod raw sa tipid sa gasolina

Magandang paraan pa upang makilala.

Sa halip raw na sa SUV sumakay

Sinuong nito ang bahang itim ang kulay.

Kung alam lang ng manunulat na iyon

Na tiniis lamang ni meyor ang pandidiri

Dahil di pa niya nabibigyang aksyon

Ang pangakong susolusyunan ang bahang napakarumi.

Pobreng Watcher

August 12, 2008

 

 

Inalok akong mag- watcher nung Mayo

Para sa isang hindi kilalang kandidato.

Pinatulan ko para sa kaunting halaga

Nang sa gayon ay mayroon akong pang-gasta.

Sa araw ng halala, alas otso nasa eskwelahan na ako

Pinapanood ang pagdating at pag- alis ng mga bumoboto.

Bago mag- alas dose, hinatid ang tanghalian

Kasama’ng mga kakilalang watcher, kami’y nagkainan.

Alas kwatro, isinarado na ang prisinto

Nagsimulang magbilang ang dati kong guro.

Sa bawat banggit ng ngalan, nagkakaingay ang lahat

Nagkakagulo kapag di mabasa nag botong nakasulat.

Nakakatakot, parang kahit anong oras

May mag- aaway at may kutsilyong ilalabas.

Gusto ko lang na matapos agad ang bilangan

Nang matapos na rin ang aking binabantayan.

Mag-a-alas sais, naitala na ang mga boto

Ang konsehal na hawak ko, wala sa unang walo.

Nagwakas ang eleksyon, talo ang amo ko

Ang masaklap, wala akong natanggap na sweldo.

“Pag pala nabigo ang pinaglingkurang kandidato

Salamat lang ang bayad sa pobreng watcher na gaya ko.

Kapag minamalas ka nga naman, oo

Sa susunod, dapat ang mga tulad nila’y di na pinatatakbo.

 

Isang Gabi sa Kubo

August 12, 2008

Walang humpay ang pag- iingay ng lona

Habang nagngangalit ang habagat.

Nagsasayawan ang mga kurtina

Ang mga nakasampay na damit ay nagkalat.

Napabalikwas ako sa pagkakahiga

Nang magtunugan ang mga gamit sa kusina.

Lalong lumalakas ang hangin

Parang anumang oras ay pwedeng liparin

ang pawid na bubungan namin.

Tila may isang higanteng naghihilik

at naglalabas ng hiningang kay lamig.

Sumabay sa pag- iingay ang mga kuliglig

Dumagdag sa kaluskos at kalabog na naulinig.

Mukhang hindi kakalma ang magdamag.

Patuloy ang marahas na ihip sa panunuwag

Magtalukbong ng kumot, bumalik sa papag

hanggang sa lamunin ng antok ang pagkabagabag.

Pangungulila sa Tuwing Nililingon ang Iyong Silid

August 12, 2008

Narinig kong umiingit ang tumba- tumba

mo dahil sa ihip ng hangin.

Nilipad sa sahig ang Liwayway

na binibili ko noon para sa’yo.

Napalingon ako sa litrato mo

noong huling kaarawan mo kasama kami.

Naisip ko na baka narito ka.

Sana’y alam mo na hanap- hanap kita.

Batid kong nasaan ka man

ipaghehele ako ng tinig mong

gadagat man ang layo

ay matamis na bulong pa rin

sa tengang uhaw sa musika

na tanging ikaw ang makapagdudulot.

SleepOver

August 12, 2008

Libreng eyrkon ang hatid

ng pagtulog sa bubong.

Kinukulambuan ng karimlan

ang nangangatog naming katawan

na pinagpipiyestahan naman

ng mga dalahirang lamok.

Hindi matapos- tapos ang panaginip

dahil ilang ulit naaalimpungatan

sa sakit ng likod na nasanay sa kutson.

Napapangiwi habang naghihilik

dahil sa kati at hapdi

ng alipungang nagbabanggaan

sa pagitan ng mga babad na daliri.

Siksikan ang magpipinsan

naghihilahan ng kumot

nag- aagawan ng unan

habang pasulyap- sulyap ang buwan.

Ganiti ang madalas mangyari

kapag ang pagtaas ng tubig sa ilog

ay sinasabayan ng alimpuyo

ng walang pakundangang bagyo.


Follow

Get every new post delivered to your Inbox.